LIHAM APOSTOLIKO
PATRIS CORDE
NG BANAL NA PAPA FRANCISCO SA IKA-150 TAONG ANIBERSARYO
NG PAGPAPAHAYAG KAY
SAN JOSE
BILANG PATRON NG SIMBAHAN
SA BUONG DAIGDIG
1. Taglay ang puso ng isang ama: ganito minahal ni Jose si Jesus na kinikilala ng lahat sa apat na Ebanghelyo bilang “anak ni Jose.”[1]
Bagamat kakaunti, sapat ang ikinukwento sa atin nina Mateo at Lucas, ang dalawang Ebanghelistang pinakamaraming sinasabi tungkol kay Jose, upang makita natin kung anong klaseng ama siya, pati na ang misyong ipinagkatiwala sa kanya ng pagkandili ng Diyos.
Alam natin na si Jose ay isang abang karpintero (cf. Mt 13:55), nakatakdang ikasal kay Maria (cf. Mt 1:18; Lc 1:27). Isa siyang “matuwid na tao” (Mt 1:19), laging handa upang tupdin ang kalooban ng Diyos ayon sa nahahayag sa kanya sa Batas (cf. Lc 2:22.27.39) at sa pamamagitan ng apat na panaginip (cf. Mt 1:20; 2:13.19.22). Matapos ang isang mahaba at nakakapagod na paglalakbay mula sa Nasaret hanggang sa Belen, nasilayan niya ang pagsilang sa Mesiyas sa isang kulungan ng mga hayop, dahil “walang puwang para sa kanila” kahit saan (cf. Lc 2:7). Nasaksihan niya ang pagsamba ng mga pastol (cf. Lc 2:8-20) at ng mga pantas (cf. Mt 2:1-12), na kumakatawan sa bayan ng Israel at sa mga pagano.
Naglakas-loob si Jose na tumayong legal na ama ni Hesus na kanyang pinangalanan ayon sa winika ng anghel: “Tatawagin mo ang kanyang ngalan na Hesus, dahil ililigtas niya ang kanyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan” (Mt 1:21). Batid natin na para sa mga sinaunang pamayanan, ang pagbibigay ng pangalan sa isang tao o bagay, tulad ng ginawa ni Adan sa salaysay sa aklat ng Genesis (cf. 2:19-20), ay tanda ng pagkakaroon ng malapit na ugnayan.
Sa Templo, apatnapung araw matapos isilang si Hesus, inalay nina Jose at Maria ang kanilang anak sa Panginoon at buong pagkamanghang narinig ang propesiya ni Simeon tungkol kay Hesus at sa kanyang Ina (cf. Lc 2:22-35). Upang pangalagaan si Hesus mula kay Herodes, namuhay si Jose bilang dayuhan sa Egipto (cf. Mt 2:13-18). Pagbalik niya sa kanyang sariling bayan, namuhay siya nang tahimik sa maliit at di-kilalang bayan ng Nasaret sa Galilea, malayo sa Belen, ang bayan ng kanyang mga ninuno, pati na sa Herusalem at sa Templo. Ang sabi ng mga tao tungkol sa Nasaret, “Walang propeta ang magmumula rito” (cf. Jn 7:52) at “may maganda bang maaaring magmula sa Nasaret?” (cf. Jn 1:46). Minsan, nang maglakbay sila upang sumamba sa Herusalem, nalingat sina Jose at Maria kay Hesus na noon ay labindalawang-taong gulang lamang, at balisa nila itong hinanap at natagpuan sa Templo na nakikipagtalastasan sa mga guro ng Batas (cf. Lk 2:41-50).
Maliban kay Maria, ang Ina ng Diyos, wala nang santo ang binabanggit nang mas madalas sa katuruan ng mga Papa kaysa kay Jose na kanyang kabiyak. Pinagnilayan ng mga Nauna sa akin ang mensaheng taglay ng kakaunting salaysay na ipinamana ng mga Ebanghelyo upang higit na maunawaan ang kanyang tampok na papel sa kasaysayan ng kaligtasan. Itinalaga siya ni Beato Pio IX bilang “Patron ng Simbahang Katolika,”[2] ni Venerable Pius XII bilang “Patron ng mga Manggagawa,”[3] at ni San Juan Pablo II bilang “Tagapangalaga ng Tagapagligtas.”[4] Pinipintuho rin ng lahat si San Jose bilang “patron ng masayang pagkamatay.”[5]
Ngayon, isangdaan at limampung taon matapos siyang hirangin bilang Patron ng Simbahan sa Buong Daigdig ni Beato Pio IX (8 Disyembre 1870), nais kong ibahagi ang ilang personal na pagninilay sa katangi-tanging larawang ito na napakalapit sa ating sariling karanasan bilang tao. Ang sabi nga ni Hesus, “mula sa umaapaw na puso, nagsasalita ang bibig” (Mt 12:34). Ang aking pagnanais na gawin ito ay lalo pang umigting nitong mga buwan ng pandemya kung saan naranasan natin, sa gitna ng krisis, kung paanong “ang mga buhay natin ay hinahabi at pinag-uugnay ng mga ordinaryong tao – mga taong madalas makaligtaan – na hindi makikita sa mga headline sa pahayagan o magazine o sa mga pinakabagong palabas sa telebisyon, ngunit sa mga panahong ito ay tiyak na sumusulat sa ating kasaysayan: ang mga doktor, nars, empleyado sa supermarket, tagalinis, tagapag-alaga, tsuper at drayber, tagapagpanatili ng kaayusan, boluntir, pari, relihiyoso at napakaraming iba pa na nakauunawa na walang nakaliligtas nang mag-isa... Gaano karaming tao ang nagtitiyaga at naghahatid ng pag-asa araw-araw upang magtanim hindi ng pagkataranta kung hindi ng sama-samang pananagutan? Gaano karaming tatay, nanay, lolo, lola at guro ang nagpapakita sa ating kabataan, sa kanilang mga simple at ordinaryong paraan, kung paano humarap sa pagsubok sa pamamagitan ng pakikibagay sa sitwasyon, pagkapit sa Diyos at patuloy na pananalangin. Gaano karami ang nagdarasal, nagsasakripisyo at namamagitan para sa ikabubuti ng lahat.”[6] Bawat isa sa atin ay makatutuklas kay Jose – ang taong hindi napapansin, isang payak at tahimik na presensiya sa araw-araw – ng isang tagapamagitan, kaagapay at gabay sa panahon ng pagsubok. Ipinapaalala sa atin ni San Jose na ang mga taong tila nakatago o nasa mga anino ay maaaring magkaroon ng natatanging papel sa kasaysayan ng kaligtasan. Karapat-dapat nating kilalanin at pasalamatan silang lahat.
1. Isang minamahal na ama
Ang kadakilaan ni San Jose ay nasa kanyang pagiging kabiyak ni Maria at ama ni Hesus. Sa ganitong paraan, inilaan niya ang kanyang sarili, tulad ng sinabi ni San Juan Crisosotomo, “sa paglilingkod sa buong plano ng kaligtasan.”[7]
Binigyang diin ni San Pablo VI kung paanong ipinamalas ni Jose ang kanyang pagka-ama “sa isang buhay ng mapagparayang paglilingkod sa misteryo ng pagkakatawang tao ni Hesus at ng nilalayon nitong kaligtasan. Ginamit niya ang kanyang legal na katungkulan sa Banal na Mag-anak upang lubos na ilaan ang sarili sa kanila sa kanyang buhay at pagsisikap. Ang kanyang bokasyon sa pakikipag-isang dibdib ay ginawa niyang isang wagas at kamangha-manghang pag-aalay ng sarili, puso at lahat ng kakayahan, isang pag-ibig na laan sa paglilingkod sa Mesiyas na lumalaki sa kanyang tahanan.”[8]
Salamat sa kanyang papel sa kasaysayan ng kaligtasan, itinangi rin si San Jose ng sambayanang Kristiyano bilang ama. Makikita ito sa di-mabilang na simbahang nakatalaga sa kanya sa buong daigdig, sa napakaraming Kapisanan, Kapatiran at samahan sa Simbahan na layong masundan ang kanyang mga yapak at taglay ang kanyang pangalan, at sa mga nakaugaliang pagmamalas ng pamimintuho sa kanyang karangalan. Hindi mabilang na santo ang may marubdob na debosyon sa kanya. Kabilang sa mga ito si Teresa de Avila na pumili sa kanya bilang kanyang tagapagtanggol at tagapamagitan, madalas na dumulog sa kanya, at tumanggap mula sa kanya ng anumang hilingin nito. Mula sa kanyang sariling karanasan, hinimok ni Teresa ang iba pa na magkaroon ng debosyon kay Jose.[9]
Lahat ng aklat dasalan ay may mga panalangin kay San Jose. Inaalayan siya ng mga espesyal na panalangin tuwing Miyerkules at lalo na tuwing buwan ng Marso na nakagawian nang italaga sa kanya.[10]
Ang pagtitiwala ng mga tao kay San Jose ay makikita sa mga salitang “Lumapit kayo kay Jose,” na nagpapaalala sa tag-gutom sa Egipto nang magmakaawa ang mga taga-Egipto sa Faraon na bigyan sila ng tinapay. Ang tugon niya: “Lumapit kayo kay Jose at gawin ang kanyang sasabihin” (Gen 41:55). Ang tinutukoy ng Faraon ay si Jose na anak ni Jacob na ipinagbili bilang alipin dala ng selos ng kanyang mga kapatid (cf. Gen 37:11-28) at ayon sa salaysay ng bibliya ay naging pumapangalawa sa Faraon sa kalaunan (cf. Gen 41:41-44).
Bilang bunga ng lipi ni David (cf. Mt 1:16-20), kung saan nakatakdang magmula si Hesus ayon sa ipinangako kay David ng propetang si Nathan (cf. 2 Sam 7), at bilang kabiyak ni Maria na taga-Nasaret, nasa gitna si San Jose ng Luma at ng Bagong Tipan.
2. Isang malambing at mapagmahal na ama
Nasaksihan ni Jose kung paano unti-unting lumaki si Hesus “sa karunungan at sa gulang, at sa pagiging kalugod-lugod sa Diyos at mga tao” (Lk 2:52). Kung ano ang ginawa ng Panginoon sa Israel ay ginawa naman ni Jose kay Hesus: “tinuruan niya itong maglakad, inakay sa kanyang kamay; naging tulad siya ng isang amang hinahalikan ang kanyang sanggol at yumuyuko upang subuan ito” (cf. Hos 11:3-4).
Kay Jose, naramdaman ni Hesus ang malambing na pagmamahal ng Diyos: “Kung paanong nagmamalasakit ang isang ama sa kanyang mga anak, nagmamalasakit ang Panginoon sa mga may takot sa kanya” (Aw 103:13).
Sa sinagoga, tuwing dinarasal ang mga Awit, tiyak na paulit-ulit na narinig ni Jose na ang Diyos ng Israel ay Diyos ng malambing na pag-ibig,[11] na mabuti sa lahat at “may malasakit sa lahat ng kanyang nilikha” (Aw 145:9).
Kay Jose, naramdaman ni Hesus ang malambing na pagmamahal ng Diyos: “Kung paanong nagmamalasakit ang isang ama sa kanyang mga anak, nagmamalasakit ang Panginoon sa mga may takot sa kanya” (Aw 103:13).
Ang kasaysayan ng kaligtasan ay natutupad sa “pag-asa laban sa pag-asa” (Rom 4:18), sa ating mga kahinaan. Madalas, ang akala natin ay ginagamit lang ng Diyos ang maganda sa atin, ngunit karamihan sa kanyang mga plano ay naisasakatuparan sa pamamagitan at sa kabila ng ating karupukan. Sa gayon, nagawang sabihin ni San Pablo, “Upang ako ay hindi maging palalo, binigyan ako ng isang tinik sa laman, isang sugo ni Satanas upang pahirapan ako, upang hindi ko magawang maging palalo. Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon ukol dito, upang lubayan ako nito, ngunit ang sabi niya sa akin: ‘Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, dahil ang aking kapangyarihan ay lubos na maipamamalas sa iyong kahinaan’” (2 Kor 12:7-9).
Dahil bahagi ito ng buong plano ng kaligtasan, dapat nating matutunang masdan ang ating mga kahinaan nang may malambing na awa.[12]
Ipinapakita sa atin ng Kaaway ang ating kahinaan at itinutulak tayo upang kamuhian ito, habang ipinapakita naman ito ng Espiritu sa liwanag ng kanyang malambing na pag-ibig. Ang lambing ang pinakamainam na paraan upang maabot ang karupukan sa ating kalooban. Ang paninisi at panghuhusga sa iba ay karaniwang tanda ng kawalan ng kakayahang tanggapin ang ating sariling kahinaan, ang ating sariling karupukan. Ang malambing na pag-ibig lang ang makapagliligtas sa atin sa mga patibong ng kaaway (cf. Pah 12:10). Dahil dito, napakahalagang makipagtagpo sa awa ng Diyos, lalo na sa Sakramento ng Pakikipagkasundo, kung saan nararanasan natin ang kanyang katotohanan at lambing. Sa kabalintunaan, maaari ring sabihin sa atin ng Masama ang katotohanan, ngunit ginagawa niya lang ito upang idiin tayo. Batid natin na ang katotohanan ng Diyos ay hindi nandidiin ngunit sa halip ay tumatanggap, yumayakap, nagpapalakas ng loob at nagpapatawad. Laging nagpapakilala sa atin ang katotohanan tulad ng maawaing ama sa talinghaga ni Hesus (cf. Lc 15:11-32). Sinasalubong tayo nito, ibinabalik ang ating dangal, tinutulungan tayong bumangon at nagagalak sapagkat tulad ng sabi ng ama: “Ang aking anak ay namatay ngunit nabuhay na muli; nawala siya ngunit nahanap” (v. 24).
Sa kabila ng mga takot ni Jose, kumilos ang kalooban, kasaysayan at plano ng Diyos. Sa gayon, itinuturo sa atin ni Jose na kasama sa pananampalataya sa Diyos ang pagtitiwala na kaya niyang kumilos kahit sa pamamagitan ng ating mga takot, karupukan at kahinaan. Itinuturo rin niya sa atin na sa gitna ng mga unos ng buhay, hindi tayo dapat matakot na isuko sa Panginoon ang direksyon ng ating buhay. Minsan, nais nating magkaroon ng ganap na kontrol subalit laging higit na mas malawak ang abot-tanaw ng Diyos.
3. Isang masunuring ama
Tulad ng ginawa niya kay Maria, ipinaalam rin ng Diyos kay Jose ang kanyang plano ng kaligtasan. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng mga panaginip na sa Bibliya at sa mga sinaunang pamayanan ay itinuturing na pamamaraan upang ipahayag niya ang kanyang kalooban.[13]
Lubhang nabagabag si Jose sa kataka-takang pagbubuntis ni Maria. Hindi niya ibig na “isadlak ito sa kahihiyan”[14] kaya pinili niyang “paalisin ito nang tahimik” (Mt 1:19).
Sa unang panaginip, tutulungan siya ng anghel upang linawin ang kanyang malalim na agam-agam: “Huwag kang matakot na akuin si Maria bilang iyong kabiyak, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay sa Espiritu Santo. Siya ay magsisilang at ito ay pangangalanan mong Hesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan” (Mt 1:20-21). Hindi nagpatumpik-tumpik si Jose sa pagtugon: “Pagkagising niya, ginawa niya ang sinabi ng anghel ng Panginoon” (Mt 1:24). Dahil sa kanyang pagtalima, nalampasan niya ang kanyang mga suliranin at nakaligtas si Maria.
Sa pangalawang panaginip, sasabihin ng anghel kay Jose: “Bumangon ka, kunin mo ang bata at ang ina nito, at lumikas kayo sa Egipto at manatili roon hanggang sabihin ko; dahil hahanapin ni Herodes ang bata upang paslangin ito” (Mt 2:13). Hindi nagdalawang isip si Jose na tumalima, sa kabila ng matinding paghihirap na kaakibat nito: “Bumangon siya, kinuha ang bata at ang ina nito noong gabi ring iyon, at nagtungo sa Egipto at nanatili roon hanggang mamatay si Herodes” (Mt 2:14-15).
Sa Egipto, buong tiyaga at tiwalang hinintay ni Jose ang hudyat ng anghel na ligtas na silang makakauwi. Sa ikatlong panaginip, sinabi sa kanya ng anghel na ang mga taong nais pumatay sa bata ay patay na at inutusan siya nitong bumangon, kunin ang bata at ang ina nito, at bumalik sa lupain ng Israel (cf. Mt 2:19-20). Muli, dagling tumalima si Jose. “Bumangon siya, kinuha ang bata at ang ina nito, at nagtungo sa lupain ng Israel” (Mt 2:21).
Habang naglalakbay pauwi, “nang mabalitaan ni Jose na naghahari si Arquelao sa Hudea kapalit ng kanyang amang si Herodes, natakot siyang magtungo roon. Matapos siyang makatanggap ng babala sa isang panaginip” – sa ikaapat na pagkakataon – “tumulak siya sa distrito ng Galilea. Doon siya nanirahan sa isang bayang tinatawag na Nasaret” (Mt 2:22- 23).
Isinasalaysay naman ng ebanghelistang si Lukas kung paano sinuong ni Jose ang mahaba at mahirap na paglalakbay mula sa Nasaret hanggang sa Belen upang magpatala sa bayang pinagmulan ng kanyang pamilya noong senso na ipinatawag ni Emperador Augusto Cesar. Doon isinilang si Hesus (cf. Lk 2: 7) at ang kanyang kapanganakan, tulad ng sa kahit sinong bata, ay naitala sa talaan ng Imperyo. Labis ang pag-aabala ni San Lukas na sabihin sa atin na tinupad ng mga magulang ni Hesus ang lahat ng isinasaad sa Batas: ang pagdiriwang ng pagtutuli kay Hesus, ang paglilinis kay Maria matapos manganak, ang pag-aalay ng panganay sa Diyos (cf. 2:21-24).[15] Sa lahat ng pagkakataon, ipinamalas ni Jose ang kanyang sariling “fiat” tulad ng ginawa ni Maria nang dalawin siya ng anghel at ni Hesus sa halamanan ng Gethsemane.
Bilang pinuno ng kanilang pamilya, tinuruan ni Jose si Hesus na maging masunurin sa kanyang mga magulang (cf. Lc 2:51), ayon sa kautusan ng Diyos (cf. Ex 20:12).
Sa mga lihim na taon sa Nasaret, natutunan ni Hesus sa paaralan ni Jose kung paano tumalima sa kalooban ng Ama. Ang kaloobang ito ang kanyang magiging pagkain sa araw-araw (cf. Jn 4:34). Maging sa pinakamahihirap na sandali ng kanyang buhay, sa Gethsemane, pinili ni Hesus na gawin ang kalooban ng Ama sa halip na kanyang sariling kalooban[16] at siya ay naging “masunurin hanggang kamatayan, kahit kamatayan sa krus” (Fil 2:8). Sa ganitong paraan, nasabi ng may-akda sa Sulat sa mga Hebreo na “natutunan niya ang pagtalima sa pamamagitan ng hirap na kanyang tiniis” (5:8).
Ipinapakita ng lahat ng ito kung paanong “tinawag ng Diyos si San Jose upang direktang paglingkuran ang pagkatao at misyon ni Hesus sa pamamagitan ng kanyang pagiging-ama” at sa ganitong paraan “nakipagtulungan siya sa kaganapan ng panahon sa dakilang misteryo ng kaligtasan at sa ganitong paraan ay naging tunay na lingkod ng kaligtasan.”[17]
4. Isang amang mapagtanggap
Tinanggap ni Jose si Maria nang walang pasubali. Nagtiwala siya sa sinabi ng anghel. “Gayon na lamang kadakila ang puso ni Jose na ang natutunan niya mula sa Batas ay ipinasailalim niya sa pag-ibig. Ngayon, sa ating daigdig kung saan laganap ang sikolohikal, berbal at pisikal na karahasan laban sa kababaihan, lumilitaw si Jose bilang larawan ng lalaking may paggalang at pakiramdam. Hindi man niya lubos na nauunawaan ang lahat, mas pinili niyang pangalagaan ang pangalan, dangal at buhay ni Maria. Sa kanyang pagtatanong kung ano ang pinakamabuting gawin, tinulungan siya ng Diyos at binigyan ng liwanag sa kanyang pagpapasya.”[18]
Madalas sa ating buhay, may mga pangyayaring hindi natin maunawaan kung ano ang kahulugan. Kadalasan, ang una nating reaksyon ay pagkabigo at pagrerebelde. Isinantabi ni Jose ang kanyang sariling mga ideya upang tanggapin ang mga pangyayari. At kahit malabo sa kanya, niyakap, binalikat at inako niya ang mga ito bilang bahagi ng kanyang sariling kasaysayan. Maliban na matanggap natin ang ating sariling kasaysayan, hinding-hindi tayo makakausad dahil mananatili tayong bihag ng ating mga inaasam-asam, sampu ng mga pagkabigong kaakibat nito.
Ang landasing espiritwal na ipinapakita sa atin ni Jose ay hindi pagpapaliwanag kung hindi pagtanggap. Tanging sa pagtanggap na ito, sa pakikipagkasundong ito, magsisimula nating makita ang mas malawak na kasaysayan, ang mas malalim na kahulugan. Halos marinig natin ang alingawngaw ng mariing tugon ni Job sa kanyang asawa na hinihimok siyang maghimagsik sa Diyos dahil sa pagdurusang dinanas niya: “Tatanggapin ba natin ang kabutihan mula sa kamay ng Diyos ngunit hindi ang masama? (Job 2:10).
Hindi natin masasabi na walang-pakialam si Jose, ngunit malakas ang kanyang loob at malayo ang abot-tanaw. Sa ating sariling buhay, maaari ring makita ang lakas na kaloob ng Espiritu sa pagtanggap at pag-ako. Ang Panginoon lang ang makapagbibigay sa atin ng lakas na kailangan natin upang tanggapin ang buhay kung ano ito, pati na ang lahat ng kabalintunaan, kasawian at kabiguan nito. Ang pananahan ni Hesus sa ating piling ay biyaya mula sa Ama at salamat dito, magagawa ng bawat isa sa atin na tanggapin ang ating sariling kasaysayan, hindi man natin ito lubos na maunawaan.
Kung paano sinabi ng Diyos kay Jose: “Anak ni David, huwag kang matakot!” (Mt 1:20), sinasabi niya rin sa atin: “Huwag kayong matakot!” Kailangan nating isantabi ang lahat ng hinanakit at pagkabigo at yakapin ang kinahinatnan ng mga bagay, hindi man umayon ang mga ito sa ating kagustuhan, hindi dahil sumusuko na tayo ngunit dahil mayroon tayong pag-asa at lakas ng loob. Sa ganitong paraan, nagiging bukas tayo sa mas malalim na kahulugan ng buhay. Sa isang mahiwaga at di-inaasahang paraan, maaari tayong makapagsimulang muli kung maglalakas-loob tayong mamuhay nang ayon sa Ebanghelyo. Hindi na mahalaga kung parang nagkagulo-gulo na lahat o may mga bagay na hindi na kayang ayusin. Kayang magpabulaklak ng Diyos sa mabatong lupa. Idiin man tayo ng ating sariling puso, “mas malawak ang Diyos sa ating puso at batid niya ang lahat” (1 Jn 3:20).
Muli, makikita natin dito ang Kristiyanong realismo na hindi tumatalikod sa anumang umiiral. Taglay ng realidad, sa mahiwaga at di-mabihag nitong yaman ang kahulugan ng buhay, sampu ng liwanag at mga anino nito. Sa ganitong paraan, nagawang sabihin ni Apostol Pablo: “Batid natin na ang lahat ng bagay ay maganda ang kahihinatnan para sa mga nagmamahal sa Diyos” (Rom 8:28), na sinusugan pa ni San Agustin, “kahit pa ang tinatawag na masama (etiam illud quod malum dicitur.)”[19] Sa mas malawak na pananaw na ito, nagkakaroon ng kahulugan ang anumang pangyayari dahil sa pananampalataya, gaano man ito kasaya o kalungkot.
Hindi rin natin dapat akalain na ang paniniwala ay paghahanap ng madadali at pampalubag-loob na solusyon. Ang pananampalatayang itinuro sa atin ni Kristo ay ang makikita natin kay San Jose. Hindi siya humanap ng mga shortcut ngunit hinarap ang realidad nang mulat ang mata at pinanindigan ito.
Hinihimok tayo ng ugali ng Jose na tanggapin at patuluyin ang lahat bilang sila nang walang isinasantabi at magkaroon ng natatanging malasakit sa mahihina dahil pinipili ng Diyos ang mahihina (cf. 1 Cor 1:27). Siya ang “Ama ng mga ulila at tagapagtanggol ng mga balo” (Aw 68:6), na nag-uutos sa ating ibigin ang dayuhan sa piling natin.[20] Gusto kong isipin na kay San Jose humango si Hesus ng inspirasyon para sa talinghaga ng alibughang anak at maawaing ama (cf. Lk 15:11-32).
5. Isang amang malikhain sa katapangan
Kung ang unang yugto ng lahat ng paghilom ng ating kalooban ay pagtanggap sa ating personal na kasaysayan at pagyakap maging sa mga bagay na hindi natin pinili, kailangan natin ngayong magdagdag ng isa pang mahalagang elemento: malikhaing katapangan. Lumilitaw ito lalo na sa ating paraan ng pagharap sa mga pagsubok. Sa harap ng pagsubok, maaari tayong sumuko at tumalikod, o harapin ito kahit papaano. Minsan, pinalalabas ng mga pagsubok ang mga natatagong lakas at kakayahan na hindi natin inakalang mayroon tayo.
Habang binabasa natin ang mga salaysay ng pagsilang ni Hesus, marahil ay nagtataka tayo madalas kung bakit hindi kumilos ang Diyos sa isang mas direkta at malinaw na paraan. Gayunpaman, kumikilos ang Diyos sa pamamagitan ng mga pangyayari at tao. Si Jose ang taong pinili ng Diyos upang gabayan ang simula ng kasaysayan ng kaligtasan. Siya ang tunay na “himala” na ginamit ng Diyos upang iligtas ang sanggol at ang ina nito. Kumilos ang Diyos sa pamamagitan ng pagtitiwala sa malikhaing katapangan ni Jose. Pagdating nila sa Belen at nang wala silang mahanap na matutuluyan kung saan maaaring manganak si Maria, tinanggap ni Jose ang isang kulungan ng mga hayop at, sa abot ng kanyang makakaya, ginawa niya itong isang mainam na tahanan para sa Anak ng Diyos na naparito sa daigdig (cf. Lc 2:6-7). Sa harap ng nakaambang panganib mula kay Herodes na layong paslangin ang bata, mulang nakatanggap si Jose ng babala sa isang panaginip upang pangalagaan ito, at bumangon siya sa gitna ng gabi upang ihanda ang pagtakas nila sa Egipto (cf. Mt 2:13-14).
Kung babasahin nang mababaw ang mga salaysay na ito, maaari nating maisip na ang mundo ay umiikot sa palad ng malalakas at makapangyarihan, subalit ang “mabuting balita” ng Ebanghelyo ay matatagpuan sa pagpapakita na sa kabila ng kapalaluan at karahasan ng mga makapangyarihan sa mundo, lagi pa ring nakahahanap ang Diyos ng paraan upang isakatuparan ang kanyang plano ng kaligtasan. Gayundin naman, ang mga buhay natin minsan ay tila umiikot sa palad ng mga makapangyarihan, ngunit ipinapakita sa atin ng Ebanghelyo kung ano ang tunay na mahalaga. Laging nakahahanap ang Diyos ng paraan upang iligtas tayo, kung magpapamalas lamang tayo ng malikhaing tapang tulad ng sa karpintero ng Nasaret, na ginawang mga pagkakataon ang mga problema sa pamamagitan ng kanyang patuloy na pagtitiwala sa pagkandili ng Diyos.
Kung may mga pagkakataon na tila hindi tayo tinutulungan ng Diyos, tiyak na hindi ito nangangahulugan na pinabayaan niya na tayo. Sa halip, pinagkakatiwalaan niya tayong magplano, maging malikhain, at humanap ng sarili nating solusyon.
Ito ang uri ng malikhaing tapang na ipinakita ng mga kaibigan ng paralitiko na naglusot dito mula sa bubungan upang ilapit ito kay Hesus (cf. Lk 5:17-26). Hindi naging hadlang sa lakas ng loob at tiyaga mga kaibigang iyon ang hirap. Matibay ang kanilang pananalig na kaya itong pagalingin ni Hesus, at “dahil hindi sila makapasok dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan at inilusot siya sa kanyang kama sa gitna ng mga tao sa harap ni Hesus. At nang makita niya ang kanilang pananampalataya, sinabi niya, ‘Kaibigan, pinatawad na ang iyong mga kasalanan” (vv. 19-20). Kinilala ni Hesus ang kanilang malikhaing pananampalataya na nagtulak sa kanilang dalhin ang kanilang maysakit na kaibigan sa kanya.
Hindi sinasabi ng Ebanghelyo kung gaano katagal namalagi sina Maria, Jose at ang bata sa Egipto. Gayunpaman, tiyak na kinailangan nilang kumain, humanap ng tirahan at maghanap-buhay. Hindi mahirap maisip ang mga detalyeng ito. Kinailangang harapin ng Banal na Mag-anak ang mga konkretong problema tulad rin ng ibang pamilya, tulad ng napakarami sa ating mga kapatid na nangingibang-bayan na ngayon ay itinataya rin ang kanilang buhay upang takasan ang gutom at pagdurusa. Dahil dito, itinuturing ko si San Jose bilang espesyal na patron ng lahat ng napilitang lisanin ang kanilang bayang tinubuan dahil sa digmaan, galit, pag-uusig at kahirapan.
Sa dulo ng bawat salaysay kung saan may papel na ginagampanan si Jose, sinasabi sa atin ng Ebanghelyo na bumabangon siya, kinukuha ang bata at ang ina nito, at ginagawa kung ano ang iniutos sa kanya ng Diyos (cf. Mt 1:24; 2:14.21). Tunay na si Hesus at si Maria na kanyang Ina ang pinakamahahalagang yaman ng ating pananampalataya.[21]
Sa plano ng kaligtasan ng Diyos, hindi maihihiwalay ang Anak sa kanyang Ina, kay Maria, na “sumulong sa kanyang paglalakbay sa pananampalataya at nanatiling tapat sa kanyang pakikipagkaisa sa kanyang Anak hanggang sa paanan ng krus.”[22]
Dapat nating isipin sa tuwina kung pinangangalagaan rin natin sina Hesus at Maria, dahil sa isang mahiwagang paraan, ipinagkatiwala rin sila sa ating pananagutan, pangangalaga at pag-iingat. Naparito sa ating daigdig ang Anak ng Makapangyarihan sa lahat sa matinding kahinaan. Kinailangan niyang ipagtanggol, pangalagaan, arugain at palakihin ni Jose. Nagtiwala ang Diyos kay Jose, at gayon din si Maria, na nakatagpo sa kanya hindi lamang ng sasagip sa kanyang buhay ngunit ng palaging magtataguyod sa kanya at sa kanyang anak. Sa ganitong paraan, si San Jose ay walang iba kundi ang Tagapangalaga ng Simbahan, dahil ang Simbahan ang pagpapatuloy ng Katawan ni Kristo sa loob ng kasaysayan, habang ang pagka-ina ni Maria ay masasalamin sa pagka-ina ng Simbahan.[23] Sa kanyang patuloy na pangangalaga sa Simbahan, ipinagpapatuloy ni Jose ang kanyang pag-iingat sa bata at sa ina nito, at tayo rin, sa ating pag-ibig sa Simbahan, ay patuloy na umiibig sa bata at sa ina nito.
Malaon pa ay sasabihin ng batang iyon: “Kung ano ang ginawa ninyo sa pinakaaba sa aking mga kaanak ay ginawa ninyo sa akin” (Mt 25:40). Sa gayon, bawat taong naghihirap, nangangailangan, nagdurusa o naghihingalo, bawat dayuhan, bilanggo at may kapansanan ay walang iba kung hindi ang “bata” na patuloy na inaalagaan ni Jose. Dahil dito, pinipintuho si San Jose bilang tagapangalaga ng mga sawimpalad, ng mga dukha, ng mga ipinatapon, ng mga nabibigatan sa buhay, ng mga mahihirap at ng mga nasa banig ng kamatayan. Kung gayon, hindi maaaring hindi magkaroon ng natatanging pagmamahal ang Simbahan para sa pinakaaba sa ating mga kapatid dahil si Hesus mismo ay nagpakita ng natatanging pagmamalasakit sa kanila at naging kaisa nila. Dapat nating matutunan mula kay San Jose ang kanyang pagkalinga at pananagutan. Kailangan nating matutunang mahalin ang bata at ang ina nito, mahalin ang mga sakramento at pagkakawanggawa, mahalin ang Simbahan at mga dukha. Lahat ng mga ito ay laging ang bata at ang ina nito.
6. Isang amang naghahanap-buhay
Isang aspeto ni San Jose na binibigyang-diin magmula pa noong panahon ng pinakaunang panlipunang Ensiklikal, ang Rerum Novarum ni Papa Leo XIII, ay ang kanyang kaugnayan sa paghahanap-buhay. Si San Jose ay isang karpintero na matapat na naghanap-buhay upang buhayin ang kanyang pamilya. Mula sa kanya, natutunan ni Hesus ang halaga, dangal at galak ng pagkain sa bunga ng kanyang sariling pawis.
Sa ating panahon ngayon, kung kailan ang pagkakaroon ng hanap-buhay ay isa na namang nagbabagang isyung panlipunan at ang kawalan ng trabaho ay labis na namang tumataas kahit sa mga bansang ilang dekada nang tumatamasa ng kaginhawahan, nararapat na buhaying muli ang ating pagpapahalaga sa marangal na paghahanap-buhay kung saan si San Jose ang huwarang patron.
Ang paghahanap-buhay ay paraan ng pakikiisa sa gawain ng kaligtasan, isang pagkakataon upang padaliin ang pagdating ng Kaharian, upang linangin ang ating mga talento at kakayahan, at ilaan ang mga ito sa paglilingkod sa pamayanan at sa kapatiran ng lahat. Ito ay nagiging isang pagkakataon upang makamit ang katuparan, hindi lamang ng sarili kung hindi ng pangunahing sidhay ng lipunan na walang iba kung hindi ang pamilya. Ang isang pamilyang walang hanapbuhay ay mas bukas sa mga suliranin, tensyon, alitan, pati na sa paghihiwalay. Paano natin magagawang pag-usapan ang dangal pantao nang hindi nagsisikap upang tiyakin na lahat ng tao ay may desenteng hanap-buhay?
Lahat ng taong naghahanap-buhay, anuman ang kanilang trabaho, ay nakikipagtulungan sa Diyos mismo at nagiging pawang mga manlilikha ng daigdig na nakapaligid sa atin. Ang krisis ng ating panahon sa ekonomiya, lipunan, kultura at espiritwalidad ay maaaring magsilbing panawagan sa ating lahat upang muling tuklasin ang kahalagahan, tungkulin at pangangailangan sa hanapbuhay upang makamit ang “new normal” kung saan walang isinasantabi. Ipinapaalala sa atin ng paghahanap-buhay ni San Jose na ang Diyos mismo, sa kanyang pagkakatawang tao, ay hindi ikinahiya ang maghanap-buhay. Ang kawalan ng hanap-buhay na nagpapahirap sa marami sa ating mga kapatid, at lalo pang lumubha dahil sa pandemyang dala ng Covid-10, ay dapat magsilbing panawagan upang muli nating balikan ang ating mga prayoridad. Makiusap tayo kay San Jose Manggagawa na tulungan tayong humanap ng mga paraan upang maipakita ang ating matibay na paninindigan na walang kabataan, walang sinumang tao, at walang pamilya ang dapat mawalan ng hanap-buhay!
7. Isang ama sa mga anino
Isinasalaysay ng manunulat mula sa Poland na si Jan Dobraczynski, sa kanyang aklat na The Shadow of the Father,[24] ang buhay ni San Jose sa anyo ng isang nobela. Ginagamit niya ang mayamang talinghaga ng anino upang ilarawan si Jose. Sa kanyang ugnayan kay Hesus, si Jose ang naging anino sa lupa ng Ama sa langit: binantayan niya ito at inalagaan at hindi kailanman pinabayaan. Maiisip natin ang sinabi ni Moises sa Israel: “Doon sa ilang... nasaksihan niyo kung paano kayo kinarga ng Diyos, kung paanong kinakarga ang isang bata, sa kahabaan ng inyong paglalakbay”(Deut 1:31). Gayundin naman, buong buhay na tumayong ama si Jose para kay Hesus.[25]
Walang taong isinisilang na ama, kung hindi nagiging ama. Hindi nagiging ama ang isang tao sa pamamagitan lamang ng pagkakaanak, ngunit sa pagbalikat ng kanyang pananagutan upang alagaan ang batang ito. Sa tuwing binabalikat ng isang tao ang pananagutan para sa buhay ng iba, siya ay pawang nagiging ama sa taong iyon.
Mistulang ulila ang mga bata ngayon at salat sa mga ama. Kailangan rin ng Simbahan ang mga ama. Napapanahon pa rin ang sinabi ni San Pablo sa mga taga-Korinto: “Bagamat napakarami ninyong gabay kay Kristo, iilan lang ang inyong mga ama” (1 Kor 4:15). Dapat ring masabi ng bawat pari o obispo, kasama ng Apostol: “Naging ama ako sa inyo kay Kristo Hesus sa pamamagitan ng Ebanghelyo” (ibid.). Ang tawag rin ni Pablo sa mga taga-Galasya: “Maliliit kong anak, na muli kong ipinapanganak hanggang mahubog si Kristo sa inyo!” (4:19).
Kaakibat ng pagiging ama ang pagpapakilala sa mga anak sa buhay at realidad. Hindi ito dapat ipagkait sa kanila sa labis na pag-iingat o pagkapit, ngunit dapat silang tulutang magdesisyon para sa kanilang mga sarili, magtamasa ng kalayaan at humanap ng mga bagong posibilidad. Marahil, sa kadahilanang ito, si San Jose ay nakagawiang tawaging “kalinis-linisang” ama. Hindi lang ito basta papuri ngunit paglalagom ng isang pag-uugali na kabaliktaran ng labis na pagkapit. Ang kalinisan ay kalayaan sa labis na pagkapit sa lahat ng aspeto ng buhay. Ang pag-ibig ay pag-ibig lamang kung ito ay malinis. Ang pag-ibig na labis kung kumapit ay nagiging mapanganib: nakakakulong, nakakasakal at nagdudulot ng matinding pagdurusa. Ang Diyos mismo ay umibig sa sangkatauhan nang may malinis na pag-ibig: hinayaan niya tayong malaya, kahit upang maligaw ng landas at lumaban sa kanya. Ang lohika ng pag-ibig ay laging ang lohika ng kalayaan, at alam ni Jose kung paano magmahal nang may pambihirang kalayaan. Hindi niya ginawang sentro ng lahat ang kanyang sarili. Hindi niya inisip ang sarili niya, ngunit sa halip ay itinuon ang sarili sa buhay nina Maria at Hesus.
Natagpuan ni Jose ang kaligayahan hindi lang sa pagsasakripisyo ng sarili kung hindi sa paghahandog ng sarili. Hindi natin siya kakikitaan ng panghihinayang kung hindi ng pagtitiwala. Ang matiyaga niyang katahimikan ay naging pambungad sa kanyang mga konkretong pagpapamalas ng tiwala. Kailangan ng ating mundo ngayon ng mga ama. Hindi nito kailangan ng mga abusado na gagamitin lamang ang iba para sa sarili nilang kapakanan. Iwinawaksi nito ang lahat ng taong ipinagkakamali ang tungkulin sa pag-abuso sa tungkulin, ang paglilingkod sa pagpapaalipin, ang pag-uusap sa paniniil, ang pagtulong sa pagpapanatili sa mga taong nakaasa sa tulong, at ang kapangyarihan sa pagsira. Ang bawat tunay na bokasyon ay nagmumula sa paghahandog ng sarili na bunga ng hinog na pagsasakripisyo. Kailangan rin sa pagpapari at pagtatalaga ng sarili sa konsagradong buhay ang ganitong uri ng kahinugan. Anuman ang ating bokasyon - pag-aasawa man, pananatiling walang asawa o birhen – ang ating paghahandog ng sarili ay hindi magiging ganap kung hanggang sakripisyo lamang ito; kung magkagayon, sa halip na maging tanda ng ganda at galak ng pag-ibig, ito ay baka maging panibugho ng lungkot, lumbay at panghihinayang.
Sa tuwing pinipigilan ng mga ama ang kanilang sarili na diktahan ang buhay ng kanilang mga anak, nagbubukas ang mga bago at di-inaasahang posibilidad. Taglay ng bawat anak ang isang natatanging misteryo na mabubunyag lamang sa tulong ng isang ama na gumagalang sa kanyang kalayaan. Batid ng amang ito na siya ay pinaka ama at guro sa puntong siya ay wala nang papel, kapag nakikita niya na kaya nang tumayo ng kanyang anak sa sarili nitong mga paa at tumahak sa mga landas ng buhay nang mag-isa. Makakamit niya ito kapag katulad na siya ni Jose, na laging batid na hindi sa kanya ang bata ngunit ipinagkatiwala lamang sa kanyang pangangalaga. Sa huli, ito ang ibig ipaunawa sa atin ni Hesus sa kanyang sinasabi: “Huwag niyong tawaging ama ang sinuman sa lupa, dahil iisa lang ang inyong Ama, na nasa langit” (Mt 23:9).
Sa ating pagpapaka-ama, lagi nating isaisip na wala itong kinalaman sa pag-aari ngunit isang “tanda” na nakaturo sa isang mas dakilang pagka-ama. Sa ating sariling paraan, lahat tayo ay tulad ni Jose: anino ng Ama sa langit na “nagpapasikat sa kanyang araw sa masama man o sa mabuti at nagpapaulan sa matuwid man o sa buktot” (Mt 5:45). At anino na laging nakasunod sa kanyang Anak.
* * *
“Bumangon ka, kunin mo ang bata at ang ina nito” (Mt 2:13), ang wika ng Diyos kay San Jose. Ang layon ng Liham Apostolikong ito ay pag-alabin ang ating pagmamahal sa dakilang santong ito, himukin tayo upang dumulog sa kanyang pamamagitan at upang tularan ang kanyang magagandang katangian at sigasig. Tunay nga na ang tamang misyon ng mga santo ay hindi humingi para sa atin ng mga himala at pagpapala ngunit mamagitan para sa atin sa harap ng Diyos tulad nina Abraham[26] at Moises,[27] at tulad ni Hesus, ang “nag-iisang tagapamagitan” (1 Tim 2:5), na siyang “tagapagtanggol” natin sa Ama (1 Jn 2:1) at “laging nabubuhay upang mamagitan para sa atin” (Heb 7:25; cf. Rom 8:34).
Tinutulungan ng mga santo ang lahat ng mananampalataya upang “magsikap na maging banal at walang-kapintasan sa kanilang sariling kinalalagayan sa buhay.”[28] Ang kanilang mga buhay ay konkretong patotoo na posibleng isabuhay ang Ebanghelyo.
Sinabi sa atin ni Hesus: “Matuto kayo sa akin, dahil ako ay banayad at mababang-loob” (Mt 11:29). Ang buhay ng mga santo ay mga halimbawa rin na dapat tularan. Malinaw itong sinasabi ni San Pablo: “Tumulad kayo sa akin!” (1 Kor 4:16).[29] Sa kanyang nangungusap na katahimikan, ito rin ang sinasabi sa atin ni San Jose.
Sa harap ng halimbawa ng napakaraming mga banal na tao, naitanong rin ni San Agustin sa kanyang sarili: “Hindi mo ba kayang gawin ang kanilang ginawa?” Kung kaya umusad siya patungo sa kanyang ganap na pagbabagong-loob kung kailan naibulalas niya: “Huli na nang kita ay aking ibigin, Gandang laging sinauna, laging sariwa!”[30]
Kailangan lang nating hilingin kay San Jose ang biyaya ng mga biyaya: ang ating pagbabagong-loob.
Manalangin tayo ngayon sa kanya:
Aba, Tagapangalaga ng Tagapagligtas,
Kabiyak ng Mahal na Birheng Maria.
Sa iyo ipinagkatiwala ng Diyos ang kaisa-isa niyang Anak;
sa iyo nagtiwala si Maria;
sa piling mo, si Kristo ay naging tao.
Maging ama ka rin sa amin,
Pinagpalang Jose,
at gabayan mo kami sa landas ng buhay.
Ihingi mo kami ng biyaya, awa at tapang,
at ipagtanggol kami sa lahat ng masama. Amen.
Ipinagkaloob sa Roma, sa San Juan de Letran, ika-8 ng Disyembre, Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria, taong 2020, ikawalo ng aking Pontipikado.
FRANCISCO
[1] Lc 4:22; Jn 6:42; cf. Mt 13:55; Mc 6:3. [2] S. Rituum Congregatio, Quemadmodum Deus (8 Disyembre 1870): ASS 6 (1870-71), 194. [3] Cf. Address to ACLI on the Solemnity of Saint Joseph the Worker (1 Mayo 1955): AAS 47 (1955), 406. [4] Cf. Ekshortasyong Apostoliko Redemptoris Custos (15 Agosto 1989): AAS 82 (1990), 5-34. [5] Katesismo ng Simbahang Katolika, 1014. [6] Meditation in the Time of Pandemic (27 Marso 2020): L’Osservatore Romano, 29 Marso 2020, p. 10. [7] In Matthaeum Homiliae, V, 3: PG 57, 58. [8] Homily (19 Marso 1966): Insegnamenti di Paolo VI, IV (1966), 110. [9] Cf. Vida, 6, 6-8. [10] Araw-araw, sa loob ng mahigit apatnapung taon, dinadasal ko pagkatapos ng panalangin sa umaga ang isang panalangin kay San Jose na galing sa isang dasalang Pranses ng Kongregasyon ng mga kapatid nina Hesus at Maria na inilimbag noong ika-19 na siglo. Ipinapahayag nito ang debosyon at tiwala, at tila hinahamon pa si San Jose: “O maluwalhating Patriyarka, San Jose, na may kapangyarihang gawing posible ang imposible, tulungan mo ako sa sandaling ito ng pangamba at pagsubok. Tanggapin mo sa iyong pangangalaga ang mabibigat at nakababahalang sitwasyong idinudulog ko sa iyo nang ito ay magkaroon ng masayang kahihinatnan. Minamahal kong ama, lubos ang aking tiwala sa iyo. Huwag ko nawang masabi na nabigo ako sa aking pagtawag sa iyo, at yayamang kaya mong gawin lahat kasama si Hesus at Maria, ipakita mo sa akin na ang iyong kabutihan ay singlaki ng iyong kapangyarihan. Amen.” [11] Cf. Deut 4:31; Aw 69:16; 78:38; 86:5; 111:4; 116:5; Jer 31:20. [12] Cf. Ekshortasyong Apostoliko Evangelii Gaudium (24 Nobyembre 2013), 88, 288: AAS 105 (2013), 1057, 1136-1137. [13] Cf. Gen 20:3; 28:12; 31:11.24; 40:8; 41:1-32; Num 12:6; 1 Sam 3:3-10; Dan 2, 4; Job 33:15. [14] Sa ganitong mga kaso, may mga isinasaad ang batas kabilang na ang pagbato hanggang sa mamatay (cf. Deut 22:20-21). [15] Cf. Lev 12:1-8; Ex 13:2. [16] Cf. Mt 26:39; Mc 14:36; Lk 22:42. [17] San Juan Pablo II, Ekshortasyong Apostoliko Redemptoris Custos (15 Agosto 1989), 8: AAS 82 (1990), 14. [18] Homily at Mass and Beatifications, Villavicencio, Colombia (8 Setyembre 2017): AAS 109 (2017), 1061. [19] Enchiridion de fide, spe et caritate, 3.11: PL 40, 236. [20] Cf. Deut 10:19; Ex 22:20-22; Lk 10:29-37. [21] Cf. S. Rituum Congregatio, Quemadmodum Deus (8 Disyembre 1870): ASS 6 (1870-1871), 193; Beato Pio IX, Liham Apostoliko Inclytum Patriarcham (7 Hulyo 1871): l.c., 324-327. [22] Ikalawang Konsilyo Ekumeniko Vaticano, Dogmatikong Konstitusyon ukol sa Simbahan Lumen Gentium, 58. [23] Katesismo ng Simbahang Katolika, 963-970. [24] Orihinal na edisyon: Cień Ojca, Warsaw, 1977. [25] Cf. San Juan Pablo II, Ekshortasyong Apostoliko Redemptoris Custos, 7-8: AAS 82 (1990), 12-16. [26] Cf. Gen 18:23-32. [27] Cf. Ex 17:8-13; 32:30-35. [28] Ikalawang Konsilyo Ekumeniko Vaticano, Dogmatikong Konstitusyon ukol sa Simbahan Lumen Gentium, 42. [29] Cf. 1 Kor 11:1; Fil 3:17; 1 Tes 1:6. [30] Confessiones, VIII, 11, 27: PL 32, 761; X, 27, 38: PL 32, 795.
Comments