Adore Te Devote
ni Santo Tomas de Aquino
salin sa Tagalog ni Leo Ocampo
Kubling Diyos, buong puso kitang sinasamba
nakatago sa mga abang sagisag na ito
ang puso kong ito, sa’yo lang tumatalima,
‘pagkat lubos na nabighani sa taglay mong ganda.
Hindi sa nakikita, natitikman o nahihipo maniniwala,
kundi sa narinig na ikaw mismo ang nagwika,
dahil Anak ka ng Diyos at Makatotohanang Salita
basta ikaw ang nagsabi, ako’y sasampalataya.
Sa krus ay hinayaang makubli ang pagka-Diyos,
ngunit dito sa tinapay, pati pagkatao’y itinagong lubos
sa parehong misteryo, sumasamo akong matubos
tulad ng magnanakaw na nagsisi nang tibobos.
‘Di ko man makita ang ‘yong mga sugat, tulad ni Tomas,
“Poon ko at Diyos ko!” akin rin sanang mabigkas
at sa bawat araw lalo pa sanang pagtibayin,
pananalig, pag-asa at pag-ibig sa‘yo ay pag-alabin.
O Alaala ng pag-aalay ng buhay
ng Poong buhay at bumubuhay na tinapay,
loobin mong sa paghugot ko sa’yo ng lakas
ay matikman rin ang tamis at ligaya mong wagas.
Itulot mo Hesus, inahing nag-aalay
ng sariling dugo, mabuhay lang ang inakay,
hugasan ang aking sala sa dugo mong mahal
na kahit isang patak sapat sa sanlibutan.
Sa aking pagtunghay sa kubli mong pananahan,
ipagkaloob mo Poon ang hangad ko’t kahilingan,
na sa araw ng 'yong ganap na pagpapakita,
masilayan kailanman ang l'walhati mo’t ganda. Amen.