top of page

Admirabile Signum: Ang Kamangha-manghang Sagisag



LIHAM APOSTOLIKO

ADMIRABILE SIGNUM

NG BANAL NA PAPA FRANCISCO UKOL SA KAHULUGAN AT KAHALAGAHAN NG BELEN


1. Ang kamangha-manghang sagisag ng Belen na napakalapit sa puso ng mga Kristiyano ay patuloy na pumupukaw ng paghanga at pagkamangha. Ang mismong larawan na ito ng pagsilang ni Hesus ay isang pagpapahayag ng misteryo ng Pagkakatawang-Tao ng Anak ng Diyos. Ang Belen ay tila isang buhay na Ebanghelyo na nagmumula sa mga pahina ng banal na Kasulatan. Sa ating pagtunghay sa kwento ng Pasko, inaanyayahan tayo sa isang espiritwal na paglalakbay at inaakit ng kababaang-loob ng Diyos na naging tao upang makadaupang-palad ang bawat isa. Tumitimo sa atin kung paanong gayon na lamang ang pag-ibig niya sa atin upang siya ay maging kaisa natin, upang tayo naman ay maging kaisa niya.


Sa Liham na ito, nais kong itaguyod ang magandang tradisyong pampamilya ng paghahanda ng Belen sa mga araw bago ang Pasko, pati na ang pagtatayo nito sa mga opisina, paaralan, ospital, kulungan at plaza. Makikita ang husay ng imahinasyon at pagkamalikhain sa paggamit ng samu’t-saring materyales sa paglikha ng mga munting obra na napakaganda. Bilang mga bata, natututunan natin sa ating mga ama at ina, lolo at lola ang masayang tradisyong ito na hitik sa yaman ng pananampalataya ng mga simpleng tao. Hiling ko na huwag kailanman maglaho ang kaugaliang ito, at muling matuklasan at buhayin kung saan unti-unti na itong nakakalimutan.



2. Ang pinagmulan ng Belen ay matatagpuan, higit sa lahat, sa mga natatanging detalye ng kapanganakan ni Hesus sa Bethlehem, ayon sa isinasaad ng mga Ebanghelyo. Tahasang sinasabi ni San Lukas na si Maria ay “isinilang ang kanyang panganay na lalaki, at binalot ito sa mga lampin, at ihiniga sa sabsaban, dahil walang lugar para sa kanila sa bahay panuluyan” (2: 7). Dahil ihiniga si Hesus sa isang sabsaban, ang Belen ay nakilala sa Italya bilang presepe, mula sa salitang Latin na praesepium na ang ibig sabihin ay “sabsaban.”


Sa pagdating niya sa daigdig na ito, ihiniga ang Anak ng Diyos sa kainan ng mga hayop. Dayami ang naging unang higaan Niya na malaon ay magpapakilala bilang “tinapay na bumaba at naparito mula sa langit” (Jn 6: 41). Naantig si San Agustin, sampu ng iba pang Ama ng Simbahan, sa simbolismong ito: “Sa paghiga sa sabsaban, siya ay naging pagkain natin” (Sermon 189, 4). Ipinapaalala ng Belen ang ilan sa mga misteryo sa buhay ni Hesus at mas inilalapit ang mga ito sa ating pang-araw-araw na buhay.


Gayunpaman, balikan natin ang pinagmulan ng Belen na pamilyar sa atin. Isipin natin na tayo ay nasa maliit na bayan sa Italya na nagngangalang Greccio, malapit sa Riete. Sandaling tumigil doon si San Francisco habang papauwi galing sa Roma kung saan tinanggap niya ang pahintulot ni Papa Honorio III para sa Batas ng kanyang Kongregasyon. Bago nito, kabibisita lang ni Francisco sa Banal na Lupain, at marahil ay naalala niya sa mga kweba ng Greccio ang kanayunan ng Bethlehem. Marahil ay naantig rin ang “Poverello ng Assisi” sa mga mosaic sa Basilika ni Santa Maria la Mayor na naglalarawan sa pagsilang ni Hesus malapit sa dako kung saan ayon sa isang matandang tradisyon ay iniingatan ang ilang piraso ng kahoy na galing sa kanyang sabsaban.


Inilalarawan nang madetalye sa mga Talang Pransiskano ang nangyari sa Greccio. Labinlimang araw bago ang Pasko, pinakiusapan ni Francisco ang isang tagaroon na nagngangalang Juan na tulungan siyang isakatuparan ang kanyang hiling na “buhayin ang alaala ng sanggol na isinilang sa Bethlehem, upang makita sa abot ng makakaya ng kanyang sariling mata ang karukhaan ng kanyang pagiging bata, kung paano siya humimlay sa sabsaban at kung paano siya ihiniga sa isang kama ng dayami habang nakamasid ang isang baka at asno.”[1] Agad namang humayo ang kanyang tapat na kaibigan upang ihanda ang lahat ng hiniling ng Santo. Noong ika-25 ng Disyembre, dumayo ang mga prayle mula sa iba’t-ibang dako papunta sa Greccio, pati na ang mga tao mula sa mga karatig na bukirin na nagdala ng mga bulaklak at sulo upang ilawan ang banal na gabing iyon. Pagdating ni Francisco, dinatnan niya ang isang sabsabang puno ng dayami, ang isang baka at isang asno. Lahat ng naroon ay nakadama ng isang bago at hindi mailarawang galak sa presensiya ng tagpo ng Pasko. Maringal na pinangunahan ng pari ang pagdiriwang ng Eukaristiya sa sabsaban, at sa gayon ay ipinakita ang kaugnayan ng Pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos at ng Eukaristiya. Walang mga imahen noon sa Greccio: isinadula at isinabuhay ng lahat ng naroon ang pagsilang ni Hesus.[2]


Ganito nagsimula ang ating tradisyon: magalak na natitipon ang lahat sa palibot ng kweba at walang pagitan sa orihinal na pangyayari at sa mga nakikilahok sa misteryo nito.

Ayon kay Tomas de Celano, ang unang nagsulat ng talambuhay ni San Francisco, ang payak at nakakaantig na tagpong ito ay sinabayan ng biyaya ng isang mahiwagang pagpapakita: nakita ng isa sa mga naroon ang Sanggol na si Hesus mismo na nakahiga sa sabsaban. Mula sa Belen na iyon noong Pasko ng 1223, “umuwi ang lahat nang may tuwa.”[3]



3. Sa kapayakan ng sagisag na iyon, naisakatuparan ni San Francisco ang isang malaking gawain ng ebanghelisasyon. Naantig ng kanyang turo ang puso ng mga Kristiyano at kahit ngayon ay nakapagdudulot ito ng isang payak ngunit tunay na paraan upang mailarawan ang ganda ng ating pananampalataya. Sa katunayan, taglay pa rin at pinupukaw ng pinangyarihan ng unang belen ang ganitong mga damdamin. Ang Greccio ay naging kanlungan ng kaluluwa, isang bulubunduking nababalot ng katahimikan.

Bakit gayon na lamang ang ating pagkamangha at pagkaantig sa Belen? Una, dahil ipinapakita nito ang pagmamahal ng Diyos: ibinaba ng Maylikha ng sanlibutan ang kanyang sarili upang yakapin ang ating karukhaan. Ang biyaya ng buhay, sampu ng buong misteryo nito, ay lalong nagiging kamangha-mangha habang napagtatanto natin na ang Anak ni Maria ang pinagmumulan at dinadaluyan ng lahat ng buhay. Kay Hesus, ipinagkaloob sa atin ng Ama ang isang kapatid na karamay natin sa tuwing tayo ay naguguluhan o naliligaw, isang tapat na kaibigan na hindi tayo iiwan. Ibinigay niya sa atin ang kanyang Anak na nagpapatawad sa atin at nagpapalaya sa atin sa ating mga kasalanan.


Ang pagtatayo ng Belen sa ating mga tahanan ay nakatutulong sa atin upang sariwain ang kwento ng nangyari sa Bethlehem. Natural na ang mga Ebanghelyo ang batayan natin sa pag-unawa at pagninilay sa pangyayaring ito. Kasabay nito, ang paglalarawan sa Belen ay nakatutulong upang mapasok natin ang tagpo. Inaantig nito ang ating mga puso at inaakay tayo upang pasukin ang kasaysayan ng kaligtasan bilang kalahok ng isang pangyayari na nananatiling buhay at totoo sa konteksto ng iba’t-ibang panahon at kultura.


Sa isang natatanging paraan, mula pa noong ipakilala ito ni San Francisco, inaanyayahan tayo ng Belen na “damhin” at “hawakan” ang karukhaan na niyakap at inangkin ng Anak ng Diyos sa kanyang Pagkakatawang-tao. Kalakip nito ang paanyayang sundan siya sa landas ng kababaang-loob, karukhaan at pagtalikod sa sarili na nagmumula sa Bethlehem patungo sa krus. Inaanyayahan tayo nitong tagpuin siya at paglingkuran siya sa pamamagitan ng pagpapadama ng awa sa mga kapatid nating lubos na nangangailangan (cf. Mt 25:31-46).


4. Nais ko naman ngayong pagnilayan ang iba’t-ibang elemento ng Belen upang mas maunawaan ang kanilang malalim na kahulugan. Una, nariyan ang tagpo ng isang langit na puno ng mga bituin na nababalot sa kadiliman at katahimikan ng gabi. Ganito natin ito inilalarawan, hindi lang bilang pagtalima sa isinasaad sa mga salaysay sa Ebanghelyo, ngunit dahil rin sa simbolismong taglay nito. Maaari nating isipin dito ang lahat ng panahon sa ating buhay na dumanas tayo ng kadiliman. Maging sa mga sandaling iyon, hindi tayo iniwan ng Diyos, ngunit naroon siya upang sagutin ang mahahalagang tanong natin tungkol sa kahulugan ng buhay. Sino ba ako? Saan ako nagmula? Bakit ako ipinanganak sa panahong ito sa kasaysayan? Bakit ako nagmamahal? Bakit ako nagtitiis? Bakit ako mamamatay? Nagkatawang-tao ang Diyos upang sagutin ang mga tanong na ito. Ang kanyang presensiya ay nagdadala ng liwanag kung saan may kadiliman at nagtuturo ng daan sa mga nababalot ng dilim ng pagdurusa (cf. Lc 1:79).



Ang kapaligiran na bahagi ng Belen ay nararapat ring banggitin. Madalas, kabilang dito ang mga guho ng mga lumang bahay o gusali, na minsan ay nagiging kapalit ng kweba ng Bethlehem at nagsisilbing tuluyan ng Banal na Mag-anak. Inspirasyon marahil ng mga guhong ito ang Legenda Aurea o Ginintuang Alamat ng Dominikong si Jacobo de Voragine noong ikalabintatlong siglo kung saan isinasaad na guguho ang Templo ng Kapayapaan sa Roma sa sandaling magsilang ang isang Birhen. Higit sa anupaman, ang mga guhong ito ay sagisag ng isang sangkatauhang nadapa at ng lahat ng bagay na sadyang nauuwi sa pagguho, pagkasira at pagkabigo. Ang makabagbag-damdaming tagpo na ito ay nagpapaalala sa atin na si Hesus ay pagpapanariwa sa gitna ng isang tumatandang mundo, na naparito siya upang magdala ng paghilom at pagsisimulang-muli, upang panibaguhin at ibalik ang daigdig at ang ating mga buhay sa orihinal nitong kagandahan.


5. Anong galak habang inaayos natin ang mga bundok, sapa, tupa at pastol sa Belen! Habang ginagawa natin ito, ipinapaalala sa atin na tulad ng naging hula ng mga propeta, nagagalak ang buong sangnilikha sa pagsilang ng Mesiyas. Ang mga anghel at talang gabay ay sagisag rin na tayo man ay inaanyayahang magtungo sa kweba at sambahin ang Panginoon.


“Magtungo tayo sa Bethlehem at masdan ang bagay na ito na nangyari doon, na ipinaalam sa atin ng Panginoon” (Lc 2:15). Ganito ang sabi ng mga pastol sa isa’t-isa matapos ang pagbabalita ng mga anghel. Isang magandang aral ang makukuha natin sa mga payak na salitang ito. Hindi tulad ng maraming tao na abala sa maraming bagay, ang mga pastol ang unang nakakita sa bagay na pinakamahalaga sa lahat: ang biyaya ng kaligtasan. Ang mga mababang-loob at aba ang unang bumati sa Pagkakatawang-tao ng Panginoon. Tumugon ang mga pastol sa Diyos na naparito upang makadaupang-palad tayo sa Sanggol na si Hesus sa pamamagitan ng pagsalubong sa kanya nang may pagmamahal, pasasalamat at pagkamangha. Salamat kay Hesus, ang pagtatagpong ito sa pagitan ng Diyos at ng kanyang mga anak ang nagsilang sa ating relihiyon at naging bukal ng katangi-tangi nitong ganda na makikita sa isang kamangha-manghang paraan sa Belen.



Ang Belen ay tila isang buhay na Ebanghelyo na nagmumula sa mga pahina ng banal na Kasulatan. Sa ating pagtunghay sa kwento ng Pasko, inaanyayahan tayo sa isang espiritwal na paglalakbay at inaakit ng kababaang-loob ng Diyos na naging tao upang makadaupang-palad ang bawat isa.


6. Nakaugalian na nating magdagdag ng iba pang simbolikong tauhan sa ating mga Belen. Una, nariyan ang mga pulubi at iba pang mga tao na ang tanging yaman ay ang yaman ng puso. Taglay rin nila ang lahat ng karapatang lumapit sa Sanggol na si Hesus; walang makapagpapalayas o makapagpapaalis sa kanila sa isang sabsaban na napakapayak kaya palagay na palagay dito ang mga mahihirap. Tunay na ang mga dukha ay may natatanging bahagi sa misteryong ito; madalas, sila ang unang nakakakilala sa presensiya ng Diyos sa piling natin.


Ang presensiya ng mga dukha at aba sa Belen ay nagpapaalala sa atin na naging tao ang Diyos para sa mga lubos na nangangailangan ng kanyang pag-ibig at nagsusumamo sa kanyang pagdamay. Si Hesus na “mabait at mababang-loob” (Mt 11:29), ay isinilang sa karukhaan at namuhay nang payak upang turuan tayong kilalanin kung ano ang tunay na mahalaga at kumilos nang naaayon dito. Malinaw na itinuturo sa atin ng Belen na hindi tayo maaaring magpalinlang sa kayamanan at mga pangako ng panandaliang kaligayahan. Makikita natin sa likod ng Belen ang palasyo ni Herodes, nakasara at bingi sa masayang balita. Sa kanyang pagsilang sa sabsaban, ang Diyos mismo ang naglunsad ng kaisa-isang tunay na rebolusyon na makapagbibigay ng pag-asa at dangal sa mga inalisan ng karapatan at isinantabi: ang rebolusyon ng pag-ibig, ang rebolusyon ng kabaitan. Mula sa sabsaban, ipinapahayag ni Hesus sa isang banayad ngunit makapangyarihang paraan ang pangangailangan nating magbahagi sa mahihirap bilang daan tungo sa isang mundong mas makatao at may pagkakapatiran kung saan walang isinasantabi o binabalewala.


Mahilig ang mga bata – at kahit matatanda! – na magdagdag sa Belen ng iba pang tauhan na wala namang malinaw na kinalaman sa salaysay ng Ebanghelyo. Gayunpaman, ipinapakita ng mga mapaglarong dagdag na ito sa sarili nilang paraan na sa mundong pinasinayaan ni Hesus, may lugar para sa anumang tunay na makatao at sa lahat ng nilikha ng Diyos. Magmula sa pastol hanggang sa panday, sa panadero hanggang sa mga musiko, sa mga babaeng gigiray-giray habang pasan ang mga banga ng tubig hanggang sa mga batang naglalaro: ipinapakita ng lahat ng ito ang kabanalang pang-araw-araw, ang galak sa paggawa ng mga karaniwang bagay sa isang di-pangkaraniwang paraan na isinisilang sa ating puso sa tuwing ibinabahagi ni Hesus ang kanyang banal na buhay sa atin.


7. Unti-unti, lumalapit tayo sa kweba, kung saan makikita natin ang larawan nina Maria at Jose. Si Maria ay isang inang nakatunghay sa kanyang anak at ipinapakilala ito sa lahat ng bisita. Inaakay tayo ng larawan ni Maria na pagnilayan ang dakilang misteryong bumalot sa dalagang ito nang kumatok ang Diyos sa pintuan ng kanyang kalinis-linisang puso. Buong pagtalimang tumugon si Maria sa mensahe ng anghel na hiniling siyang maging Ina ng Diyos. Ipinapakita sa ating lahat ng kanyang mga sinabi, “Narito ang alipin ng Panginoon; mangyari nawa sa akin ayon sa iyong winika” (Lc 1:38) kung paano natin maisusuko ang ating sarili sa kalooban ng Ama nang buong pananampalataya. Sa kanyang “fiat,” si Maria ay naging ina ng Anak ng Diyos nang hindi nawawala bagkus napapabanal, sa pamamagitan niya, ang kanyang pagiging birhen. Makikita natin sa kanya ang Ina ng Diyos na hindi sinasarili ang kanyang Anak ngunit inaanyayahan ang lahat na sundin ang kanyang salita at isabuhay ito (cf. Jn 2:5).


Sa tabi ni Maria, makikita si San Jose na binabantayan ang Bata at ang Ina nito. Kadalasan siyang ipinapakita na may hawak na tungkod o lampara. Mahalaga ang papel ni San Jose sa buhay nina Hesus at Maria. Siya ang bantay na walang pagod sa pag-iingat sa kanyang pamilya. Nang bigyan siya ng Diyos ng babala tungkol sa banta ni Herodes, hindi siya nagdalawang-isip na humayo at tumakas sa Egipto (cf. Mt 2:13-15). At nang lumipas na ang panganib, inuwi niya ang kanyang mag-anak sa Nazareth, kung saan siya ang tumayo bilang unang guro ni Hesus bilang bata at bilang binata. Iningatan ni Jose sa kanyang puso ang dakilang misteryo na bumabalot kay Hesus at kay Maria na kanyang kabiyak; bilang isang matuwid na tao, lubos niyang ipinagkatiwala ang kanyang sarili sa kalooban ng Diyos at isinabuhay ito.



8. Sa pagsapit ng Pasko, kapag inilagay na natin ang imahen ng Sanggol na si Hesus sa sabsaban, biglang nabubuhay ang Belen. Lumilitaw ang Diyos bilang bata upang ating ipaghele. Sa ilalim ng kahinaan at karupukan, pinipili niyang ikubli ang kanyang kapangyarihang lumilikha at bumabago sa lahat. Mistulang imposible ngunit totoo: kay Hesus, naging bata ang Diyos at sa ganitong paraan ay ninais niyang ipamalas ang kadakilaan ng kanyang pag-ibig: sa pamamagitan ng pagngiti at paglahad ng kanyang mga bisig sa lahat.


Ang pagsilang ng isang bata ay pumupukaw ng tuwa at pagkamangha; inilalatag nito sa harap natin ang dakilang misteryo ng buhay. Sa pagtunghay natin sa mga mata ng isang batang mag-asawa na nagniningning habang pinagmamasdan nila ang kanilang bagong-silang na anak, mauunawaan natin ang naramdaman ni Maria at Jose na nadama ang presensiya ng Diyos sa kanilang buhay habang pinagmamasdan ang Sanggol na si Hesus.


“Naipamalas ang Buhay” (1 Jn 1:2). Sa mga salitang ito, isinaad ni Apostol San Juan ang buod ng misteryo ng Pagkakatawang-tao. Tinutulutan tayo ng Belen na makita at mahawakan ang katangi-tangi at di-mapapantayang pangyayari na ito na bumago sa takbo ng kasaysayan, dahilan upang magmula noon ay bibilangin ang lahat ng panahon bilang bago o pagkatapos ng pagsilang ni Kristo.



Kamangha-mangha ang mga pamamaraan ng Diyos, dahil hindi natin lubos maisip na huhubarin niya ang kanyang kaluwalhatian upang maging taong katulad natin. Sa ating pagkagulat, makikita natin ang Diyos na kumikilos kagaya natin: natutulog, dumedede sa kanyang ina, umiiyak at naglalaro katulad ng lahat ng bata! Lagi naman tayong ginugulat ng Diyos. Hindi natin mahulaan ang kanyang kayang gawin at lagi niyang ginagawa ang hindi natin inaasahan. Ipinapakita ng Belen ang Diyos sa kanyang pagpasok sa ating buhay, ngunit inaakay din tayo nito upang pagnilayan kung paanong bahagi ang buhay natin ng buhay ng Diyos. Inaanyayahan tayo nito upang maging mga alagad niya kung nais nating magkaroon ng tunay na kahulugan ang ating buhay.


9. Habang nalalapit ang dakilang kapistahan ng Epifania o Pagpapakita ng Panginoon, inilalagay natin ang mga larawan ng Tatlong Hari sa Belen. Sa gabay ng bituin, tumulak ang mga pantas na ito mula sa Silangan patungong Bethlehem upang hanapin si Hesus at ialay sa kanya ang kanilang mga handog na ginto, kamanyang at mira. Ang mga mamahaling handog na ito ay may malalim na kahulugan: ang ginto ay parangal sa pagka-hari ni Kristo, ang insenso sa kanyang pagka-Diyos, at ang mira sa kanyang pagka-tao na nakatakdang dumanas ng kamatayan at paglilibing.


Sa ating pagtunghay sa aspetong ito ng Belen, inaanyayahan tayong pagnilayan ang tungkulin ng bawat Kristiyano na ipalaganap ang Mabuting Balita. Bawat isa sa atin ay tinatawag na dalhin ang masayang balita sa lahat at bigyang-patotoo sa pamamagitan ng mga gawain ng habag ang galak ng pagkakilala kay Hesus at pagdanas sa kanyang pagmamahal.


Itinuturo sa atin ng mga Pantas na kayang marating ng mga tao si Hesus sa pamamagitan ng mahabang paglalakbay. Mayaman at matalino, sinuong nila ang isang mahaba at mapanganib na paglalakbay, dala ng kanilang pagkauhaw sa walang-hanggan na magdadala sa kanila sa Bethlehem (cf. Mt 2:1-12). Sa harap ng Batang Hari, mababalot sila ng hindi-masukat na tuwa. Hindi nila alintana ang karukhaan ng kanyang paligid bagkus agad na nanikluhod upang sambahin siya. Sa pagluhod sa harapan niya, naunawaan nila na ang Diyos na gumagabay sa takbo ng mga tala sa kanyang karunungan ay gumagabay rin sa takbo ng kasaysayan, nagpapabagsak sa malalakas at nag-aahon sa mga nasa abang kalagayan. Sa kanilang pag-uwi, tiyak na ipinamalita nila ang kamangha-mangha nilang pakikipagtagpo sa Mesiyas at sa gayon ay sinimulan ang pagpapalaganap ng Ebanghelyo sa lahat ng mga bansa.


10. Sa harap ng Belen, bumabalik sa ating gunita ang panahon noong tayo ay mga bata pa at sabik na sabik ihanda ito. Ipinapabatid ng mga alaalang ito kung gaano kahalaga ang regalong tinanggap natin sa mga nagpamana sa atin ng pananampalataya. Kasabay nito, ipinapaalala nito sa atin ang ating tungkuling ibahagi ang parehong karanasan sa ating mga anak at apo. Hindi na mahalaga kung ano ang anyo ng Belen: pwedeng pareho lang o nagbabago taon-taon. Ang mahalaga ay nangungusap ito sa ating buhay. Nasaan man ito o anupaman ang anyo nito, ipinapahayag sa atin ng Belen ang pag-ibig ng Diyos, ang Diyos na naging bata upang iparamdam sa atin kung gaano siya kalapit sa bawat isa sa atin, anupaman ang ating katayuan.


Mga minamahal na kapatid, ang Belen ay bahagi ng napakahalaga ngunit napakabigat na proseso ng pagpapamana ng pananampalataya. Simula sa pagkabata at sa bawat yugto ng ating buhay, tinuturuan tayo nitong tumunghay kay Hesus upang maranasan ang pagmamahal ng Diyos para sa atin, upang maramdaman at maniwala na sumasaatin ang Diyos at tayo ay sumasakanya bilang kanyang mga anak at magkakapatid, salamat sa Sanggol na Anak ng Diyos at Anak ni Maria. At upang mapagtanto na sa kabatirang ito, matatagpuan natin ang tunay na kaligayahan. Tulad ni San Francisco, buksan sana natin ang ating mga puso sa payak na biyayang ito upang mamutawi mula sa ating pagkamangha ang isang panalanging puno ng kababaang-loob: isang panalangin ng pasasalamat sa Diyos na piniling ibahagi sa atin ang lahat lahat, at sa gayon ay hindi na tayo iwan kailanman.


Ipinagkaloob sa Greccio, sa Dambana ng Pagsilang sa Panginoon, ika-1 ng Disyembre taong 2019, ikapito ng aking Pontipikado.


FRANCISCO

[1] Cf. Tomas de Celano, Unang Talambuhay, 84; Talang Pransiskano, 469. [2] Ibid., 85; Talang Pransiskano, 469. [3] Ibid., 86: Talang Pransiskano, 470.

Comments


Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page