May Pakialam Ka Sa Amin
Pagninilay ni Papa Francisco sa harap ng banta ng COVID-19, 27 Marso 2020
“Pagsapit ng gabi” (Mc 4:35). Ganito ang simula ng Ebanghelyong ating narinig. Ilang linggo na tayong nasa gabi. Makapal na dilim ang bumabalot sa ating mga plaza, lansangan at lungsod; nangingibabaw sa ating buhay at pinupuno ito ng nakabibinging katahimikan at nakapangingilabot na kawalan na nagpapahinto sa lahat ng maraanan nito; ramdam ito sa hangin, makikita sa kilos ng mga tao, mababanaag sa mga tingin. Takot na takot at litong-lito tayo. Katulad ng mga alagad sa Ebanghelyo, nagulat tayo sa isang hindi-inaasahan at malakas na unos. Natauhan tayo na tayo pala ay nasa iisang bangka, lahat mahina at naguguluhan ngunit sabay mahalaga at kailangan, lahat inaanyayahang magsagwan, lahat inaasahang magpalakas sa loob ng bawat isa. Lahat tayo ay nasa iisang bangka. Tulad ng mga alagad na nag-usap-usap sa kanilang pagkabalisa at sinabing “Lumulubog tayo” (v. 38), natauhan rin tayong hindi natin pwedeng isipin ang sarili lang natin; malalampasan lang natin ito nang sama-sama.
Hindi mahirap makita ang ating mga sarili sa kwentong ito. Ang mahirap ay ang maunawaan ang ipinakita ni Hesus. Habang natural lamang na nataranta at naging desperado ang mga alagad, naroon naman siya sa likuran, ang bahagi ng bangka na unang lumulubog. At ano ang ginagawa niya? Sa kabila ng bagyo, tulog na tulog siya, buo ang tiwala sa Ama; ito lang ang natatanging tagpo sa Ebanghelyo na makikita natin si Hesus na natutulog. Paggising niya, matapos payapain ang hangin at tubig, pinagsabihan niya ang mga alagad: “Bakit kayo natatakot? Wala ba kayong pananampalataya?” (v. 40).
Sikapin nating unawain kung saan nagkulang sa pananampalataya ang mga alagad at kung ano ang kahulugan ng tiwala ni Hesus. Hindi naman sila nawalan ng tiwala sa kanya; sa katunayan, tinawag nila siya. Ngunit makikita natin kung paano nila siya tinawag: “Guro, wala ka bang pakialam kung lumubog tayo?” (v. 38). Wala ka bang pakialam; akala nila ay walang malasakit si Hesus, wala siyang pakialam sa kanila. Isa sa pinakamasasakit na salitang pwede nating marinig at ng ating mga mahal sa buhay ay ito: “Wala ka bang pakialam sa akin?” Mga salitang sumusugat sa damdamin at sumisilab sa galit. Marahil ay nagitla rin nito si Hesus dahil siya, higit sa lahat, ang nagmamalasakit sa atin. Sa katunayan, sa pagtawag nila sa kanya, dagli niya silang sinagip sa kanilang pagkabalisa.
Inilalantad ng unos ang ating kahinaan at ibinubunyag ang mga hungkag na pundasyon kung saan itinayo natin ang ating pang-araw-araw na buhay, gawain, gawi at prayoridad. Ipinapakita nito sa atin kung gaano na natin napabayaan ang mismong mga bagay na bumubusog, bumubuhay at nagpapalakas sa atin at sa ating mga pamayanan. Ibinubuyangyang ng unos ang ating mga maling akala at paglimot sa kung ano ang tunay na makapagpupuno sa ating mga kalooban; ang lahat ng ating pagtatangkang gawing manhid ang ating mga sarili sa pamamagitan ng mga gawain at kaisipang akala natin ay “magsasalba” sa atin, ngunit hindi pala tayo kayang iugat at panatilihing kaugnay sa alaala ng mga nauna sa atin. Tayo mismo ang nagtanggal sa ating resistensiya na kailangan natin sa pagharap sa mga hamon ng buhay.
Sa bagyong ito, nalalansag ang ating pagbabalat-kayo at labis na pag-aalala sa ating imahe at sa gayon ay nabubunyag muli ang ating ugnayan sa isa’t-isa na kailanman ay hindi maiaalis sa atin: ang ating ugnayan bilang magkakapatid.
“Bakit kayo natatakot? Wala ba kayong pananampalataya?” Panginoon, tumitimo at tumatama sa amin ang iyong mga salita sa gabing ito. Sa mundong ito na mas mahal mo kaysa mahal namin, naging napakatakaw namin at akala namin ay kaya na namin lahat. Hayok sa kita, nagumon kami sa mga materyal na bagay at nagpatangay sa aming pagmamadali. Hindi namin alintana ang iyong mga paalala, hindi kami natinag ng mga digmaan o kawalang-katarungan sa buong daigdig, at hindi rin kami nakinig sa hikbi ng mga aba at ng aming sugatang planeta. Patuloy pa rin kami, sa pag-aakalang kaya naming maging malusog sa isang mundong maysakit. Ngayong nasa gitna kami ng unos, nagsusumamo kami, “Gumising ka, Panginoon!”
“Bakit kayo natatakot? Wala ba kayong pananampalataya?” Panginoon, tinatawag mo kami, tinatawag mo kaming sumampalataya. Tinatawag mo kami hindi lang para maniwala na totoo ka, ngunit upang lumapit at magtiwala sa’yo. Ngayong Kuwaresma, higit na umaalingawngaw ang iyong panawagan: “Magbagong-buhay kayo!” “Magbalik kayo sa akin nang buong puso” (Joel 2:12).
Inaanyayahan mo kami na lubusin ang panahong ito ng pagsubok bilang panahon ng pagpili. Hindi ito ang panahon para pan mo kami ngunit para kami ang humatol: panahon upang piliin ang mahalaga sa hindi, panahon upang paghiwalayin ang kailangan sa hindi naman talaga. Panahon ito upang ayusin ang aming buhay at ugnayan sa iyo at sa kapwa. Maaari kaming humugot ng inspirasyon sa aming mga kasama sa paglalakbay, na bagamat takot rin ay piniling magbigay ng sarili at buhay. Ito ang lakas ng Espiritu na iyong ibinubuhos at naisasakatuparan sa lakas-loob at bukas-palad na paglimot sa sarili at pag-una sa iba. Ito ang buhay ng Espiritu na tumutubos, nagbibigay ng halaga at nagpapakita kung paanong ang mga buhay namin ay hinahabi at pinag-uugnay ng mga ordinaryong tao – mga taong madalas makalimutan – na hindi makikita sa mga headline sa pahayagan o magazine o sa malalaking rampa ng pinakabagong palabas, ngunit sa mga panahong ito ay tiyak na sumusulat sa aming kasaysayan: ang mga doktor, nars, empleyado sa supermarket, tagalinis, tagapag-alaga, tsuper at drayber, tagapagpanatili ng kaayusan, boluntir, pari, relihiyoso at napakaraming iba pa na nakauunawa na walang nakakaligtas nang mag-isa. Sa harap ng napakatinding pagdurusa, kung saan masusukat kung gaano talaga tayo kaunlad, mararanasan ang panalangin ni Hesus bilang pari: “Sila nawang lahat ay maging isa” (Jn 17:21). Gaano karaming tao ang nagtitiyaga at naghahatid ng pag-asa araw-araw upang magtanim hindi ng pagkataranta kung hindi ng sama-samang pananagutan? Gaano karaming tatay, nanay, lolo, lola at guro ang nagpapakita sa ating kabataan, sa kanilang mga simple at ordinaryong paraan, kung paano humarap sa pagsubok sa pamamagitan ng pag-ayon ng kanilang mga nakagawian, pagkapit sa Diyos at patuloy na pananalangin. Gaano karami ang nagdarasal, nagsasakripisyo at namamagitan para sa ikabubuti ng lahat. Panalangin at tahimik na paglilingkod: ito ang mga sandata ng ating tagumpay.
“Bakit kayo natatakot? Wala ba kayong pananampalataya?” Nagsisimula ang pananampalataya sa pag-amin natin na kailangan natin ng kaligtasan. Hindi tayo sapat sa ating sarili; mabubuwal tayo kung mag-isa: kailangan natin ang Panginoon tulad ng mga sinaunang mandaragat na nakasalalay sa mga bituin. Anyayahan natin si Hesus sa mga bangka ng ating buhay. Isuko natin sa kanya ang ating mga pangamba upang kanyang daigin. Tulad ng mga alagad, mararanasan natin na walang mangyayaring paglubog kung kasama natin siya. Sapagkat ito ang lakas ng Diyos: ginagawa niyang mabuti ang anumang nangyayari sa atin, pati na ang masasamang bagay. Pinapayapa niya ang ating mga unos dahil sa Diyos, hindi masusupil ang buhay.
Sa gitna ng bagyo, hinihimok tayo ng Panginoon at inaanyayahan upang muling bumangon at isabuhay ang pagdadamayan at pag-asang nagdudulot ng lakas, tatag at kahulugan sa mga panahong ito na tila lahat ay gumuguho. Gumigising ang Panginoon upang muling gisingin at buhayin ang ating pananampalataya sa kanyang Muling Pagkabuhay. Mayroon tayong angkla: sa pamamagitan ng kanyang krus tayo ay nasagip. Mayroon tayong timon: sa pamamagitan ng kanyang krus tayo ay naligtas. Mayroon tayong pag-asa: sa pamamagitan ng kanyang krus tayo ay nahilom at niyakap upang walang sinuman at anuman ang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang mapanligtas na pag-ibig. Sa harap ng pagkawalay natin, kung kailan salat tayo sa lambing at pagkakataong magsama-sama, at maraming bagay ang nawala sa atin, muli nating pakinggan ang balitang nagliligtas sa atin: siya ay muling nabuhay at kapiling natin. Mula sa krus, inaanyayahan tayo ng Panginoon upang muling tuklasin ang buhay na naghihintay sa atin, upang tingnan ang mga nakasalalay sa atin, upang palakasin, kilalanin at pagyamanin ang biyayang nananahan sa atin. Huwag nating hipan ang aandap-andap na apoy (cf. Is 42:3) na hindi namamatay, at hayaan nating magningas muli ang pag-asa.
Ang pagyakap sa kanyang krus ay nangangahulugan ng paglalakas-loob upang yakapin ang mga paghihirap sa kasalukuyan, ng paglimot muna sa ating pagka-uhaw sa kapangyarihan at kayamanan upang pagbigyan ang pagkamalikhain na tanging ang Espiritu ang kayang pumukaw sa ating kalooban. Nangangahulugan ito ng paglalakas-loob na lumikha ng mga tagpuan kung saan matutuklasan ng bawat isa na sila ay tinatawag at pagbibigay-daan sa mga bagong anyo ng pagtanggap, pakikipagkapatiran at pagdadamayan. Tayo ay naligtas sa pamamagitan ng kanyang krus upang yakapin natin ang pag-asa at hayaan itong palakasin at panatilihin ang lahat ng ating mga paraan at pagsusumikap upang pangalagaan ang ating mga sarili at isa’t-isa. Ang kumapit sa Panginoon upang kumapit sa pag-asa: iyan ang lakas ng pananampalataya na nagpapalaya sa atin sa takot at nagbibigay ng pag-asa.
“Bakit kayo natatakot? Wala ba kayong pananampalataya?” Mula sa pook na ito na saksi sa pananampalataya ni Pedro na sintatag ng bato, nais kong ipagkatiwala kayong lahat sa Panginoon, sa pamamagitan ni Maria, Kalusugan ng Sambayanan at Tala sa dagat na binabayo ng unos. Mula sa plasang ito na yumayakap sa Roma at sa buong daigdig, sumainyo nawa ang pagpapala ng Diyos bilang isang yakap na nagpapalakas ng loob. Panginoon, basbasan mo nawa ang daigdig, palusugin ang aming katawan at pagaanin ang aming loob. Ang bilin mo sa amin ay huwag matakot. Ngunit marupok ang aming pananampalataya at takot na takot kami. Gayunpaman, hindi mo kami ipapaubaya sa unos. Sabihin mong muli sa amin: “Huwag kayong matakot” (Mt 28:5). At kaisa ni Pedro, “ipapaubaya namin sa iyo ang lahat, dahil may pakialam ka sa amin” (cf. 1 Ped 5:7)