top of page

Hindi Ghoster ang Diyos


Hindi Ghoster ang Diyos

Pagninilay sa Ika-apat na Salita:

Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan? (Mt 27:46; Mk 15:34)

Leo-Martin Angelo R. Ocampo

Nang ilabas ng parokya ang anunsyo tungkol sa Siete Palabras sa Facebook, napag-usapan ito sa aming opisina at may nagtanong, “Anong word ang na-assign sa’yo?” At ang sabi ko, “Yung ikaapat po.” “Alin yun?” “Yun pong Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Biglang umimik ang aming boss na napakatahimik at bumanat, “Bakit, mukha ka bang pinabayaan?” Ano po sa tingin ninyo? Mukha po ba akong pinabayaan? Pinabayaan po saan? Pagtingin ko po sa salamin, napatanong tuloy ako, Inay ko, inay ko, bakit mo ako pinabayaan?

Ibaling po natin ngayon ang mga mata ng ating puso sa kalbaryo kung saan nakapako sa krus si Hesus. Ayon sa Ebanghelyo, pagsapit ng tanghaling-tapat, matapos siyang libakin ng mga punong pari, eskriba at matatanda, nagdilim bigla ang langit. Magmula noon, wala ni isang salita ang maririnig sa mga labi ni Hesus hanggang halos mag-iikatlo ng hapon. Tatlong oras ng napakalalim at halos nakabibinging katahimikan habang unti-unti siyang nauupos sa krus. Tumahimik tayo sandali at damhin sa ating puso ang katahimikan ng ating Panginoong Hesus... Wala siyang imik, “tulad ng isang maamong korderong binubulid tungo sa katayan” (Jer 11:19). Magdamag niyang tiniis ang katakut-takot na hirap at sakit, ngunit wala ni anumang himutok o hinanakit tayong narinig. Minsan sa kakaunting hirap at sakit, katakut-takot na reklamo na agad ang maririnig sa atin. Itanong muna natin sa ating sarili: “Bakit, mukha ka bang pinabayaan?” Aral para sa atin, hindi lang ang mga huling salita ni Hesus sa krus kundi pati na ang tatlong oras ng kanyang katahimikan.

Ngunit napuno rin ang salop ni Hesus at pagsapit ng ikatlo ng hapon, nabasag ang kanyang mahabang katahimikan at sumigaw siya nang malakas: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo naman ako pinabayaan?” Tandang-tanda pa ng mga alagad ang mga salitang iyon kaya naipamana sa atin sa orihinal na Aramaiko na wikang nakagisnan ni Hesus: “Eli, Eli, lema sabachthani?” (Mk 15: 33). Ang Anak ng Diyos na kay lambing kung tumawag sa Ama ng Abba, ngayon ay mistulang kinalimutan at pinabayaan na ng Diyos.

Mukha po bang pinabayaan si Hesus? Pagmasdan natin siya habang unti-unting nauubos ang kanyang lakas, pagod na pagod na siya, gutom na gutom, uhaw na uhaw, hirap na hirap sa paghinga, habang sabay-sabay na kumikirot ang di-mabilang na sugat na kanyang tinamo sa kanyang buong katawan. Ang pagpako sa krus ay unti-unting pagkamatay kaya nga sa Imperyo Romano, hindi nila ipinapataw ang parusang ito sa sarili nilang mamamayan. Ngunit hindi lang katawan ang unti-unting namamatay kay Hesus sa krus, kundi pati na ang kanyang pag-asa. Kung babaling siya sa ibaba, ang makikita lamang niya ay si Maria, si Juan, si Maria Magdalena at iilan-ilan sa mga babaeng alagad. Wala na si Pedro, na kagabi lang ay nangakong hinding-hindi siya iiwan. Wala na ang makapal na taong sumusunod at nakikinig sa kanya at sumalubong sa kanyang sigaw ay Osana! Wala na silang lahat. Iniwan na siya. Pinabayaan na siya. Kung babaling naman siya sa itaas, madilim at makapal ang mga ulap, tila nagtatago sa kanya pati ang langit na dati-rati namang nagbukas sa kanya nang siya ay binyagan at magbagong-anyo sa Tabor. Nasaan na ang kanyang ama? Iniwan na rin ba siya? Pinabayaan na ba siya? “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo naman ako pinabayaan?” (Mk 15: 33).

Sa lahat po ng tanong na pwede nating itanong, ito lang ang walang sagot na hindi masakit. Bakit? Bakit mo ako pinabayaan? Bakit mo ako iniwan? O sa wika ng mga kabataan ngayon, bakit mo ako nilaglag? Bakit mo ako pinaasa? Bakit mo ako ginhost? Parang multo lang. Nagparamdam, pinakilig, pinaasa, pero hindi naman pinangatawanan. Naalala ko tuloy ang walang-kamatayang tanong ng karakter ni Liza Soberano sa pelikulang My Ex and Whys. “May kulang ba sa ‘kin? May mali ba sa ‘kin? Pangit ba ‘ko? Pangit ba ang katawan ko? Kapalit-palit ba ko? Then why?!” Wala ni isa man sa mga posibleng sagot ang hindi masakit dahil kahit ang buod ng tanong ay napakasakit: then why?! bakit?! Kung gagawing tanong sa isang exam, hindi pwedeng true or false o multiple choice lang. Dapat essay. Kahit sa opisina, kapag nakatanggap ka ng memo na may nakalagay na “explain why,” patay.

Bakit pinabayaan ng Diyos si Hesus? Try natin ulit sundan ang sinabi ni Liza. A. May mali ba sa ‘kanya? Sabi sa 1 Pedro 2: 22: “Wala siyang ginawang kahit anong kasalanan at wala ni anumang kasinungalingan ang namutawi sa bibig niya.” B. Pangit ba ‘siya? Sabi sa Juan 1: 14 “Nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatian ng kaisa-isang anak, puspos ng biyaya at katotohanan.” C. Pangit ba ang katawan niya? E tayo po ang katawan ni Kristo, hindi po ba? Pakitingnan niyo nga po ang katabi niyo kung pangit. D. Kapalit-palit ba siya? Ang Ama mismo ang nagsabi sa kanya nang makailang ulit, “Ito ang aking pinakamamahal na Anak na aking kinalulugdan” (Mt 3:17. 17:5. Mk 1:11. 9:7. 12:6. Lk 3:22, 20:13) Then why?! Bakit?! Bakit siya pinabayaan? Mas lawakan pa po natin ang tanong at lalong guluhin ang isip ng mga millenials: kaya bang magpabaya ng Diyos? Kaya ba tayong pabayaan ng Diyos?

Hindi, ang sabi sa Banal na Kasulatan. Ayon kay Propeta Isaias, kabanata 49, na naging sikat na kantang pang-misa sa Tagalog: “Hindi kita malilimutan, hindi kita pababayaan, nakaukit magpakailanman sa ‘king palad ang ‘yong pangalan...” O ‘di ba? May paukit-ukit pa sa palad tapos kalilimutan lang pala? Sabi pa ni San Pablo, “Kahit pa magtaksil tayo, mananatili pa rin siyang tapat dahil hindi niya kayang talikuran ang kanyang sarili” (cf. 2 Tim 2:13). Sa Bibliya, napakaraming ulit pinupuri ang steadfast love o tapat na pag-ibig ng Diyos: “Magtitiwala ako sa iyong tapat na pag-ibig. Magagalak ako sa iyong kaligtasan” (Awit 13:5). Kaya nga ang lagi na lang sambit sa Ang Probinsiyano ni Lola Flora: “Huwag kayong mag-alala. Hindi tayo pababayaan ng Diyos.” Tingnan niyo naman po, hanggang ngayon may Ang Probinsiyano pa.

Sa parehong Banal na Bibliya, makikita rin natin ang kasaysayan ng mga taong nagtiwala at umasa sa Diyos. Tingnan niyo po si Abraham, Pinangakuan ng anak, pinaghintay, pinaasa, binigyan, pero muntik pang bawiin. Tingnan niyo po si Moises, nagpakahirap ilabas ang mga Israelita sa Egipto, hindi naman pala siya makakasamang pumasok sa Lupang Pangako, at ang mas masakit, pinatanaw pa sa kanya. #paasamuch lang? Buong bayan po ng Israel, nanalig na hindi sila matatalo sa digmaan kailanman, na ang sagradong lungsod ng Diyos ay hindi babagsak sa kamay ng mga kaaway, na ang Templo ng Diyos ay hindi matitibag dahil ang katapatan niya ay hindi matitinag. Ano pong nangyari sa kanila at sa Templo? Tingnan niyo po si Maria, naniwala sa sinabi ng anghel na walang imposible sa Diyos. Aba naman! Muntik pang mabato ng buhay kung hindi lang nagpakita ang anghel kay Jose, at kay Jose lang talaga. Di po ba pwedeng magpa-presscon? Nang lalabas na ang anak niya na anak rin naman ng Diyos, wala silang mahanap na tirahan, ni hindi mabigyan ng kahit simpleng silid man lang. At ngayon, tingnan niyo po si Hesus! Buong-puso siyang nagtiwala sa Diyos Ama. At saan siya dinala ng tiwala niya? Sa krus! Tingnan niyo po ang kakapangyari lang sa Paris kamakailan sa Katedral ng Notre Dame. Tingnan niyo rin ang nangyari dito sa mga Katedral ng Marawi at Jolo. Sariling tahanan ng Diyos, hindi niya nailigtas, hindi niya naipagtanggol. Ang kaisa-isang anak niya sa krus, hindi niya sagipin. Kaya nga bullseye ang naging kutya kay Hesus ng mga punong pari, eskriba at matatanda: “Nagtiwala siya sa Diyos, tingnan natin kung iligtas siya ngayon ng Diyos, kung mahal siya” (Mt 27: 43). Kaya nga siguro sobrang triggered si Lord, hindi siya nakaimik ng tatlong oras. At tama sila, dahil ang tanong na “bakit mo ako pinabayaan” ay totoong katumbas ng tanong na “mahal mo ba talaga ako?” Kasi kung mahal, hindi dapat pinabayaan. Kung pinabayaan, malamang hindi mahal.

Mga minamahal kong kapatid, hindi po ba ganito rin ang buhay nating lahat na mga sumasampalataya, nagtitiwala at umaasa sa Panginoong Diyos? Tinalo pa ang teleserye. Laging na lang may pasabog, laging may pahirap, laging may luha at sakit, laging may krus. Asan na, Lola Flora, yung sinasabi po ninyong “Hindi tayo pababayaan ng Diyos” gayong mismong ang Anak ng Diyos, heto at sumisigaw nang malakas sa krus: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo naman ako pinabayaan?” Balikan po natin ngayon ang ating sariling kalbaryo, ang pinakamadilim, pinakamasakit, at pinakamalungkot na sandali ng ating buhay kung kailan walang-wala na tayo, wasak na wasak na tayo, at mistulang kinalimutan na tayo ng Diyos. Hindi po ba masasabi rin ng bawat isa sa atin dito ngayon ang ikaapat na salita ng Panginoon sa krus: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo naman ako pinabayaan? Bakit mo naman ako iniwan? Bakit mo naman ako nilaglag?” “Mahal mo ba talaga ako?”

At walang sagot ang Ama kundi katahimikan, nakabibingi at nakababaliw na katahimikan. Naalala ko po tuloy ang isang mag-asawang nakilala ko noong Intern Chaplain kami sa Philippine Heart Center. Walong taon po silang naghintay bago sila nakabuo ng isang anak. At nang biyayaan na po sila ng anak, may malubha namang sakit sa puso. Nakakaawa pong pagmasdan ang bata sa Neonatal ICU, ngunit patuloy pong kumapit sa Diyos ang mag-asawa. Sa loob ng halos isang buwan ng pagod, puyat, gastos at sakit ng kalooban, sila pa mismo ang paulit-ulit na nagsasabing, “Makakaraos rin kami, hindi kami pababayaan ng Diyos, hindi niya babawiin ang baby namin.” Ngunit hindi nagtagal ay binawi rin po sa kanila ang kanilang pinakamamahal na anak. Naroon ako nang ilabas ng isang nars ang walang-buhay nilang sanggol, nakabalot sa puting kumot, walang pagsidlan ng hinagpis ang mag-asawa, lalo na po ang ina. “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

Sa mga sandaling ito ng kadiliman, kasama natin si Hesus. Siya man ay minsang nasadlak sa pait at sakit na ating naranasan o patuloy na nararanasan hanggang sa ngayon. Kasama natin siyang naghihimutok at naghihinanakit sa kanyang mahal na Ama: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Opo, ang Diyos Anak mismo, nagdamdam sa Diyos Ama kaya nauunawaan ni Hesus ang ating mga tampo sa Diyos at minsan pa nga ay galit sa kanya.

Kung naaalala niyo pa po ang salmong tugunan noong Linggo ng Palaspas, ito mismo ang simula noong Salmong iyon na walang iba kundi Salmo 22. “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan? Bakit napakalayo mo sa akin at sa aking pagdaing?” Kung isasalin pa ang karugtong sa lengguwahe ng kabataan, “Tumatawag ako sa umaga, pero di ka nag-rereply, nag-PM ako sa’yo kagabi pero seenzoned...” Higit sa one-third ng mga Salmo sa Bibliya ay ganito po. Mga awit ng panaghoy, awit ng hinanakit, awit ng reklamo. Tanggap ng Diyos, nauunawaan ng Diyos, dinidinig ng Diyos. E bakit walang reply? E bakit seenzoned lang?

Sabi nga ng karakter ni Carlo Aquino sa pelikulang Dekada 70: “Akala mo lang wala pero meron, meron, meron!” Hindi dito nagtatapos ang lahat. Kung tatapusin natin ang Salmo 22, patuloy na magtitiwala sa Diyos ang taong nasasaktan. Umasa, nasaktan, naghinanakit, pero ang mahalaga, hindi bumitiw. At tiyak na diringgin siya ng Diyos at ililigtas tulad ni Hesus na bagaman tumaghoy ng “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan,” ay hindi natapos ang buhay sa pag-aalinlangan sa Diyos bagkus sa muli at ganap na tiwala sa pag-ibig niya: “Ama ko, sa iyong mga kamay, inihahabilin ko ang aking kaluluwa.” Kung tatapusin natin ang Ebanghelyo, makikita natin na sa kanyang Muling Pagkabuhay, darating din ang kasagutan ng Ama sa mapait na bakit ni Hesus. At siya pa mismo ang magpapaliwanag nito sa kanyang dalawang alagad na may sarili nilang mga bakit, sa daan patungong Emmaus: Hindi niyo ba alam kung bakit? “Hindi ba kinailangan pagdaanan ng Kristo ang lahat ng ito bago niya sapitin ang kanyang tagumpay? At ipinaliwanag niya sa kanila ang lahat patungkol sa kanya sa mga Kasulatan, simula kay Moises at sa mga propeta...” (Lk 24: 26-27).

Sa liwanag ng Muling Pagkabuhay, ang mga bakit natin ay mapapalitan ng para saan? at para kanino? Balang araw, makikita nating may katuturan pala ang lahat ng ating pagdurusa. Ang masasakit na tanong natin ay mayroon palang kasagutan dahil tapat ang Diyos at hinding-hindi tayo kinalilimutan, hinding-hindi tayo pinababayaan. Bakit? Dahil mahal na mahal niya tayo. Sabi nga ni Papa Francisco sa kanyang bagong Ekshortasyong Apostoliko para sa mga kabataan na pinamagatang Christus Vivit o Buhay si Hesus, “Naroon ang Diyos sa mga sandaling akala natin ay iniwan niya na tayo at wala na tayong pag-asang maligtas. Isa itong kabalintunaan, ngunit para sa maraming Kristiyano, ay dusa at dilim ay naging... mga lugar kung saan natagpuan nila ang Diyos.”* Hindi ghoster ang Diyos. Hindi siya pa-fall tapos hindi ka naman pala sasaluhin. [Parang ex mo lang.]

Tapat magmahal ang Diyos. Kapag isinuko mo at ipinagkatiwala mo ang buhay mo sa kanya, siguradong sasaluhin ka niya. Hindi lang agad, kaya minsan po nakakatakot, nakakakaba. May pa-suspense. Si Hesus nga po, tatlong araw naghintay. Sabi nga sa Sulat sa mga Hebreo: “Horrendum est incidere in manus Dei viventis” (10:31). Horrendous! Nakakatakot mahulog sa mga kamay ng Diyos na buhay. Nakakatakot magtiwala at sumunod sa Panginoon. Hindi mo alam kung anong gagawin, ipagagawa, ibibigay o hihingin niya sa’yo. Tingnan niyo na lang ang naging buhay ng mga nagtiwala sa kanya. Ngunit walang ibang daan sa kaluwalhatian at muling pagkabuhay maliban sa krus.

Mayroon po akong mga estudyante na taga-AMV College of Accountancy. Marahil alam ng karamihan sa atin kung gaano kahirap ang buhay ng mga estudyante, lalo na dito sa UST, lalo na po sa AMV. Takot na takot bumagsak ang mga estudyante sa mga exam at para palakasin ang loob ng isa’t-isa, ang sinasabi nila: kapit lang, mga besh, hindi tayo pababayaan ni Lord. Kung titingnan niyo nga po ang laging laman ng kapilyang ito, halos galing sa kolehiyo nila. Nagsisipunta pa po sila tuwing Miyerkules sa Baclaran, tuwing Huwebes sa Malacañang, at tuwing Biyernes naman sa Quiapo. Pina-blessan pa nila ang mga bolpen nila at ikinuskos sa lahat ng santo. Sa wakas, lumabas na ang mga resulta ng kinatatakutan nilang retention test. Ang sabi ng mga pumasa, Yehey! hindi kami pinabayaan ni Lord! At yun namang mga bumagsak, hindi mo maipinta, nakasulat sa mga mukha nila ang wika ni Hesus: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Halos ayaw na po nilang magpatuloy. Hindi nalalayo sa tanong ng Panginoon ang tanong nila noon, “Sir, binigay naman namin lahat, nag-aral naman kami, nag-trust naman kami kay God, pero bakit naman ganito, bakit parang kulang pa rin?” Hindi naglaon, nagkahiwa-hiwalay po sila. May mga natanggal at nalipat sa ibang programa. May mga nalipat naman sa ibang kolehiyo. May mga tuluyan nang natanggal sa UST at nalipat sa ibang school. At nitong huling Paskuhan, nagkita-kita po kami ng ilan sa kanila at kinumusta ko sila. Napakaganda ng sagot ng isa sa kanila, “Ok naman po, kumakapit pa rin po, dahil hindi kami pinapabayaan ni Lord.”

Samahan natin ngayon si Hesus sa kanyang kalbaryo at hayaan natin siyang samahan tayo sa ating mga kalbaryo tungo sa Muling Pagkabuhay.

Santisimo Rosario Parish

19 Abril 2019

*Sinipi ni Papa Francisco sa talata 149 ng Christus Vivit mula sa Kapulungan ng mga Obispong Swiss, Prendre le temps: pour toi, pour moi, pour nous, 2 Pebrero 2018.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page