Magtitiwala Ako sa Kanya:
Panalangin ni Kardenal Neumann
Nilikha ako ng Diyos upang paglingkuran siya sa isang natatanging paraan. Ipinagkatiwala niya sa akin ang isang gawaing hindi niya inilaan sa iba. Ako ay may misyon – hindi ko man ito malaman sa buhay na ito, sasabihin ito sa akin sa kabila. Kahit papaano, kailangan niya ako para sa kanyang mga layunin, kailangan ako kung nasaan ako kung paanong kailangan ang isang arkanghel kung nasaan siya – mabigo man ako, kaya niyang humirang ng iba kung paanong kaya niyang gawing mga anak ni Abraham ang mga bato. Gayunpaman, bahagi ako ng kanyang dakilang gawain; isa akong kawing sa isang tanikala, isang sumpay na nagdurugtong sa mga tao. Hindi niya ako nilikha para lang sa wala. Gagawa ako ng kabutihan, gagawin ko ang Kanyang gawain; ako ay magiging isang anghel ng kapayapaan, isang tagapagpahayag ng katotohanan, nasaan man ako, hindi ko man ito sadyain, kung tutupdin ko lang ang kanyang mga kautusan at paglilingkuran siya sa kanyang tawag sa akin.
Samakatuwid, magtitiwala ako sa kanya. Ano man ako o nasaan ako, hindi ako mababale-wala. Kung ako ay maysakit, mapaglilingkuran siya ng aking karamdaman; kung ako ay nalilito, mapaglilingkuran siya ng aking kalituhan; kung ako ay nalulungkot, mapaglilingkuran siya ng aking kalungkutan. May dahilan ang aking karamdaman, kalituhan at kalungkutan na lampas sa ating alam. Wala siyang ginagawa na bale-wala; kaya niyang pahabain o paikliin ang aking buhay; alam niya ang kanyang ginagawa. Kaya niyang bawiin ang aking mga kaibigan, kaya niya akong itapon sa piling ng ibang tao, kaya niyang pagdilimin ang aking pag-asa, igupo ang aking kalooban, at itago sa akin ang kinabukasan – ngunit alam niya pa rin ang kanyang ginagawa.
O Adonai, Hari ng Israel, ikaw na gumagabay kay Jose tulad ng isang kawan. O Emmanuel, O Karunungan, isinusuko ko ang aking sarili sa iyo. Ipinagkakatiwala ko nang buong-buo ang aking sarili sa iyo. Mas marunong ka sa akin at mahal mo ako nang higit pa sa sarili ko. Gawin mo ang iyong mga balak sa akin, anupaman ito – kumilos ka sa akin at sa pamamagitan ko. Nilikha ako upang paglingkuran ka, upang maging Iyo, upang maging Iyong kasangkapan. Tulutan mo akong maging bulag na kasangkapan mo. Hindi ko na hiling na makakita – hindi ko na hiling na makaalam – ang tanging hiling ko lang ay magamit.
________________________________________________________________
John Henry Newman, Life’s Purpose: Wisdom from John Henry Newman, Classic Wisdom Collection (Boston, MA: Pauline Books & Media, 2010), 11–13.